MANILA, Philippines — Hindi lamang ang gintong medalya sa 18th Asian Games sa Indonesia sa susunod na taon ang target ni Olympic weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz kungdi pati ang sapat na puntos para makalaro sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Sa kanyang pagsabak sa 2018 Asian Games na gagawin sa Palembang at Jakarta, Indonesia sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 ay walang Chinese weightlifter ang makakaagawan ni Diaz sa medalya.
Ito ay dahil sa ipinataw na one-year ban ng International Weightlifting Federation sa China bukod pa sa walong bansa na nasangkot sa paggamit ng illegal substance.
Ngunit sa kabila nito ay mayroon pang inaalala si Diaz.
Ito ay ang paglalaro nina 2016 Rio Olympic gold medal winner Hsu Shu Chin ng Chinese Taipei at World Cham-pionship titlist Sopita Tanasan ng Thailand sa 2018 Asian Games.
Nariyan din ang mga Korea at Japan weighlifters, ayon kay Diaz, bumuhat ng silver medal noong 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Plano ni Diaz na magbakasyon ng apat na linggo matapos mag-uwi ng silver at bronze medal sa nakaraang World Championships sa Anaheim, California noong nakaraang linggo.
Nauna nang kumuha si Diaz ng pilak na medalya sa nakaraang Asian Indoor and Martial Arts Games sa Ashgabat, Turkmenistan.