MANILA, Philippines — Dahil sa mga injury nina big men Ranidel De Ocampo, Reynel Hugnatan at Cliff Hodge ay wala nang ibang nagawa si Meralco head coach Norman Black kundi ang kumuha ng players sa free agent market.
Ang mga nalambat ni Black para mapalakas ang front court ng Bolts ay sina Niño Canaleta, Jason Ballesteros, Mac Baracael at Nico Salva.
Ang Meralco ang magiging pang-limang koponan ng 35-anyos na si Canaleta matapos maglaro para sa Air21, Purefoods, Barangay Ginebra, TNT Katropa, NLEX, Kia, Globalport at Blackwater.
Sina Canaleta at Baracael ay hindi na binigyan ng panibagong kontrata ng Elite at Batang Pier, ayon sa pagkakasunod.
Unang naglaro ang 32-anyos na si Baracael para sa Alaska bilang No. 6 overall pick noong 2011 PBA Rookie Draft kasunod sa Ginebra, Barako Bull at NLEX.
Ito naman ang pangatlong pagkakataon na muling magsusuot ng uniporme ng Meralco ang 32-anyos at 6-foot-6 na si Ballesteros.
Kinuha ng Bolts ang dating San Sebastian Stags slotman bilang No. 7 overall pick noong 2011 PBA Rookie Draft bago nai-trade sa Barako Bull matapos ang isang season.
Sa kanyang pagbabalik sa Meralco noong 2014 ay napanood lang siya sa tatlong laro at dinala sa Blackwater at noong nakaraang season ay kumampanya para sa Kia.
Ang 6’3 namang si Salva ay naging bahagi ng Ateneo Blue Eagles na iginiya ni Black sa ‘five-peat’ sa UAAP.