MANILA, Philippines — Bagama’t hindi ginamit ang rematch clause sa kanilang fight contract ni Australian world welterweight king Jeff Horn noong Nobyembre ay may tsansa pa rin si Manny Pacquiao na mabawi ang kanyang korona.
Ito ay kung masusunod ang pinaplano ni Bob Arum ng Top Rank Promotions para sa Filipino world eight-division champion sa susunod na taon.
Sa panayam ng BoxingScene.com kahapon ay sinabi ni Arum na si Pacquiao ang siyang hahamon sa mananalo sa dalawang malaking welterweight championship na kinasasangkutan nina Horn at Terence Crawford.
Nakatakdang itaya ni Horn ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight title laban kay British contender Jeff Corcoran sa Disyembre 13 sa Australia.
Ang mananalo sa naturang laban ang hahamunin naman ni Crawford, ang da-ting world unified light welterweight king.
“I think we’re going to work on (Pacquiao) doing a fight in the spring and then to fight the winner of this (Terence) Crawford, Horn-Corcoran situation, the WBO champion,” wika ni Arum.
Noong Hulyo 2 ay naisuko ni Pacquiao, magdiriwang ng kanyang ika-39 kaarawan sa Disyembre 17, ang kanyang WBO belt matapos matalo kay Horn via unanimous decision sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.
Dahil sa kanyang pagiging abala sa Senado ay hindi kinagat ni Pacquiao ang rematch clause kay Horn.
Sa isang panayam kamakalawa ay sinabi ni Pacquiao na posible siyang lumaban sa Abril ng susunod na taon kasunod ang inaasahang pagreretiro.
Nauna nang isinabit ni Pacquiao ang kanyang boxing gloves noong Abril ng 2016 matapos talunin si Ti-mothy Bradley, Jr. sa kanilang ‘trilogy’ bago dominahin si Jesse Vargas via unanimous decision sa kanyang comeback fight matapos ang pitong buwan para sa WBO welterweight title.