MANILA, Philippines — Mabigat na laban ang haharap sa Gilas Pilipinas sa kanilang pagsagupa sa Japan sa pagsisimula ng FIBA Basketball World Cup 2019 Asian Qualifiers sa Biyernes.
Ibabandera ni Argentine coach Julio Lamas sina naturalized player Ira Brown, NBA D-League veteran Yuki Togashi at sina Takeuchi twins Joji at Kosuke sa pagsagupa sa Gilas Pilipinas sa Komazawa Gymnasium sa Tokyo.
Si Lamas ang naging coach nina NBA stars Manu Ginobili, Luis Scola, Andres Nocioni at Pablo Prigioni nang angkinin ng Argentina ang korona ng 2011 FIBA Americas.
Sa report sa fiba.com, sinabi ni Joji Takeuchi na gusto nilang bawian ang Nationals ni mentor Chot Reyes matapos matalo noong 2015 FIBA Asia Championships sa Changsha, China.
“We lost against them in the 2015 FIBA Asia Championship. But we will surely get them back this time,” sabi ni Joji Takeuchi.
Matiwasay na duma-ting kahapon ang Gilas Pilpinas sa Tokyo tatlong araw bago harapin ang mga Japanese.
“Landed safely in Tok-yo! Final few days of preparation before we take on Japan! #LabanPi-lipinas,” sabi ni veteran big guard Gabe Norwood sa kanyang Twitter account.
Noong Linggo ng umaga ay dumating sa bansa si naturalized player Andray Blatche at kaagad na sumama sa ensayo ng Nationals.
Kagaya ni Reyes, papangalanan din ni Lamas, ang seven-time Argentine League Coach of the Year na gumiya sa Argentina noong 1998 at 2014 World Cup at noong 2012 Olympics. ang kanyang Final 12 sa bisperas ng kanilang duwelo.
Ang iba pang inaasahang mapapabilang sa Japan team ay sina wingmen Yudai Baba, Makoto Hiejima at Daiki Tanaka, shooter Naoto Tsuji at veteran frontcourt player Atsuya Ota.
Ang iba pang umaasang mapapasama sa final roster ni Lamas ay sina Naoki Uto, Naoya Kumagae, Takatoshi Furukawa, Tenketsu Harimoto at Ryusei Shinoyama.
Nauna nang inihayag ang mabilis na pagkaubos ng mga tiket para sa opening home game ng Japan laban sa Gilas Pilipinas.
“Knowing that the tickets got sold out quickly, I can see a lot of people are paying attention to our game,” wika ni Takeuchi. “The game against Philippines, our very first home game, will be very important in setting the tone for the rest of the qualifiers.”