Mae-extend ba si Narvasa?

MANILA, Philippines — Maaaring ang katatapos na 2017 PBA Rookie Draft noong Linggo ang pinakahuling aktibidad ng PBA na dinaluhan ni Commissioner Chito Narvasa.

Kasabay ng pagtiklop ng 42nd season ng PBA ay ang pagtatapos ng three-year term ni Narvasa bilang Commissioner.

Sinasabing hindi susuportahan ng mayorya ng PBA Board of Governors ang anumang endorso para sa pagbibigay ng panibagong termino kay Narvasa.

Nakatakdang magpulong ang mga miyembro ng PBA Board sa Huwebes para sa kanilang pinal na desisyon.

Magdaraos ang PBA Board ng taunang planning session sa Nobyembre 10 sa United States.

“The league constitution requires two-thirds approval of the board or eight voting members for the appointment of the commissioner. Commissioner Narvasa will not get that,” sabi ng isang source.

Inaasahang hindi makakakuha si Narvasa ng boto mula sa TNT KaTropa, Meralco at NLEX, nasa ilalim ng PLDT Group at maging sa mga independent ball clubs na Alaska Milk, Phoenix Petroleum, Rain or Shine at Blackwater.

“These teams were not happy with the decisions of Commissioner Narvasa. The last straw was his approval of the Kia-San Miguel trade and his mention of a TNT official to justify his decision,” dagdag pa ng source.

Naging kontrobersyal na desisyon sa naging trade ng Kia at San Miguel para kay Fil-German Christian Standhardinger, ang hinirang na No. 1 overall pick ng katatapos na 2017 PBA Rookie Draft noong Linggo.

Para makuha si Standhardinger mula sa Picanto ay ibinigay ng Beermen sina Ronald Tubid, Rashawn McCarthy, Jay-R Reyes at isang 2019 first-round pick.

Bago ito ay maraming koponan sa labas ng San Miguel Corporation ang pumalag sa naturang palitan.

Ibinunyag kamakalawa ni Narvasa na isa ang TNT Katropa sa nagpursigeng makuha ang 6-foot-8 na si Standhardinger mula sa Kia.

“His decision robs the PBA of the dynamism, excitement and suspense that a player of Standhardinger’s caliber would bring going up against June Mar Fajardo. If the commissioner does not see this simple perspective, he may not be the right person for the job,” wika ng TNT Katropa sa isang statement.

“We are afraid as to who should be the custodian of the PBA’s paramount interest. He talks about parity/equilibrium for trades, butnwhere is it?”

Inireklamo din ng TNT KaTropa management ang pagbanggit ni Narvasa sa pangalan ni Magnum Membrere na kanya ring naging basehan sa paggawa ng naturang desisyon sa San Miguel-Kia trade.

Sinabi ng TNT Katropa na si Membrere, ang assistant team manager, ang nagsumite ng draft application ni Standhardinger sa PBA office bilang kinatawan ng Smart Gilas kung saan miyembro si Standhardinger.   

Show comments