MANILA, Philippines — Matapos angkinin ang gold medal sa nakaraang 29th Southeast Asian Games ay pupuntiryahin naman ni triathlete Nikko Huelgas ang tiket para sa 2018 LBC Ronda Pilipinas.
Kabuuang 321 siklista na kinabibilangan din nina dating LBC Ronda Pilipinas champions Santy Barnachea at Irish Valenzuela ang pepedal sa Luzon qualifying race sa Sabado sa Tarlac City.
Gagamitin ni Huelgas ang nasabing cycling race sa kanyang paghahanda para sa mga lalahukang triathlon events.
Kabilang dito ang 2018 Asian Games sa Palembang, Indonesia at ang 30th SEA Games na pamamahalaan ng Pilipinas sa 2019.
Hangad naman ng 41-anyos na si Barnachea na makasama sa main race na nakatakda sa Marso 1 ng susunod na taon at ang tsansang makamit ang kanyang ikatlong korona sa taunang LBC-bankrolled race.
Si Barnachea ang nagkampeon sa unang edisyon ng LBC Ronda Pilipinas noong 2012 at noong 2015.
Magbabalik naman sa LBC Ronda Pilipinas si Valenzuela, naghari noong 2013 at kasalukuyang nagtatrabaho sa Dubai matapos magkaroon ng road accident ilang taon na ang nakakalipas.
Ang isa pang malaking pangalan na sasabak sa Luzon qualifying race ay si Junrey Navarra, ang dating Ronda King of the Mountain winner, matapos mawala sa karera ng isang taon.
Bagama’t isa na sa 20 qualified riders ay pinili pa rin ni 2017 LBC Ronda Pilipinas champion Jan Paul Morales na sumabak sa nasabing one-day race.
Ang maghahari ay tatanggap ng prem-yong P30,000 kasunod ang P20,000 at P10,000 para sa ikalawa at ikatlong pupuwesto, ayon sa pagkakasunod.
Tanging 38 slots lamang ang nakalatag para sa one-day race na may distansyang 180 kilometro na magsisimula sa Tarlac Provincial Capitol at magtatapos sa Monasterio de Tarlac.
Ang susunod na qualifying race ay nakatakda sa Oktubre 21 sa Danao, Cebu kung saan paglalabanan ang 38 spots.
Sinabi ni LBC Ronda project director Moe Chulani na ang magkakampeon sa main race ay tatanggap ng P1 milyon.
“The LBC Ronda Pilipinas is upon us again, and just like in our past editions, we’re hoping to produce champions and attract talented young riders,” wika ni Chulani.