Gilas haharap sa Korea o Japan sa quarterfinals

MANILA, Philippines - Makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang alinman sa Japan o South Korea sa quarterfinal round ng 2017 FIBA Asia Cup sa Miyerkules sa Noudhad Nawfal Sports Complex sa Beirut, Lebanon.

Itinakda ng mga Japanese at Koreans ang kanilang qualifying showdown para sa Last Eight nang tumapos bilang second at third, ayon sa pagkakasunod, sa kanilang mga grupo sa eliminasyon.

Giniba ng Japan, ang third runner-up noong 2015 Changsha Asian meet, ang Hong Kong, 92-59, para sumegunda sa Australia sa Pool D.

Pamangatlo naman ang Korea sa Pool C sa ilalim ng New Zealand at Lebanon.

Nakapuwersa ang South Koreans ng three-way tie kasama ang Kiwis at Lebanese sa magkakatulad nilang 2-1 baraha matapos kunin ang 76-75 panalo laban sa Tall Blacks noong Sabado ng gabi.

Ngunit nalaglag ang tropa ni coach Hur Jae sa No. 3 spot dahil sa kanilang inferior quotient.

Magsasagupa ang Japanese at Korean sa initial stage ng knockout phase kung saan nakakuha ang Pilipinas ng bye bilang top seed ng Pool B kasama ang nagdedepensang China, Iraq at Qatar.

Nakasikwat naman ang New Zealand at Australia ng outright Final Eight entries bilang top seeds ng Group C at Group D, ayon sa pagkakasunod.

Ang ikaapat na outright quarters spot ay pinagla-labanan ng Iran at Jordan kagabi habang isinusulat ito.

Tinalo ng Lebanon sa opening day, dalawang sunod na panalo ang kinuha ng Koreans laban sa Kazakhs at Kiwis.

Pinatahimik ng Koreans ang Kiwis sa huling 90 segundo at sinandigan ang mga clutch hits nina Lee Jonghyun at Ung Heo para kunin ang panalo.

Kinumpleto naman ng Boomers ng Australia ang pagwalis sa kanilang grupo mula sa 90-50 paglampaso sa Taiwanese, habang inangkin ng Cedars ng Lebanon ang second spot sa Group C sa bisa ng 96-74 panalo sa Kazakhs.

 

Show comments