Marquez, Bradley pinuri ni Manny

MANILA, Philippines -  Pinuri ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao at kanyang mga dating naging karibal na sina Juan Manuel Marquez and Timothy Bradley, kapwa inihayag ang kanilang pagreretiro sa boxing kamakailan.

Sa isang text message mula sa kanyang media officer na si Aquiles Zonio, inilarawan ni Pacquiao sina Marquez at Bradley bilang mga “great fighters.”

“I wish both of them well. They were great fighters during their prime,” wika ng fighting senator na apat na beses nakaharap si Marquez at tatlong ulit namang nakasagupa si Bradley.

Sa kanilang ikaapat na pagtutuos noong 2012 ay pinatulog ni Marquez ang Filipino icon sa pamamagitan ng counter right hand sa sixth round.

Idinahilan ng pambato ng Mexico City ang kanyang mga injuries kaya siya nagdesisyong tuluyan nang magretiro.

Ang kanyang unanimous decision loss kay Pacquiao sa kanilang pangatlong paghaharap noong Abril ng 2016 ang naging pinakahuling laban naman ni Bradley.

Sinabi niya sa isang US radio show na nakumbinsi siyang magretiro nang mapanood ang duguang mukha at ulo ni Pacquiao sa unanimous decision loss nito kay Jeff Horn noong Hulyo 2 sa Brisbane, Australia.

Natutuwa si Pacquiao na alam niyang walang mga naging injury sina Marquez at Bradley sa araw ng kanilang pagreretiro.“May God bless both of them and their families,” sabi  pa ni Pacquiao.  

Show comments