MANILA, Philippines - Sumulat si Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping Cojuangco kay President Duterte para ipahayag ang kanyang kalungkutan na hindi na itutuloy ng pamahalaan ang pagsuporta sa hosting ng 2019 Southeast Asian Games.
Kasabay nito, inilahad din ng POC chief ang kahalagahan ng pagho-host ng Pinas ng biennial event sa ikaapat na pagkakataon kung matutuloy.
Sinabi ni Cojuangco na sinusuportahan ng POC ang posisyon ng gobyerno na ilaan ang pondo sa rehabilitation ng Marawi at development ng Mindanao.”
Ngunit ayon sa dating congressman mula sa Tarlac, ang SEA Games hosting ay magbibigay pagkakataon sa bansa na i-promote ang Philippines bilang ‘beautiful place and a safe haven for international events.”
Huling nag-host ang Philippines ng SEA Games noong 2005 at na-ging overall champion sa unang pagkakataon.
Ang SEAG hosting ay magandang daan para ipakita sa buong mundo na kahit may problema sa Mindanao, ang Pinas ay safe at secure para magdaos ng sports at magandang regional hub para sa negosyo.”
Sinabi ni Cojuangco na kailangan ng Pinas ang 2019 SEA Games para makatulong sa turismo para muling bumalik ang mga leisure and business travelers mula sa iba’t ibang bansa.
Ang SEA Games ay nilalahukan ng 10,000 athletes at officials mula sa 11 member countries.
“In this light, we appeal to the President to support the hosting of the 30th Southeast Asian Games in the Philippines in 2019,” sabi ni Cojuangco sa kanyang sulat.
Ang krisis sa Marawi ang naging malaking dahilan para bawiin ni Duterte ang suporta sa hosting ng SEA Games ngunit sinabi ni Philippine Sports Commission chairman William Ramirez na marami pang ibang dahilan.
Idinahilan din ni Ramirez ang kawalan ng maayos na sports facilities at ang kabiguan ng POC na ayusin ang problema sa liquidation sa Commission on Audit ukol sa 2005 hosting.
“While it is sad and painful not to host the SEA Games, problems cropped up. Pumutok yung Marawi (crisis),” sabi ng PSC chairman.