MANILA, Philippines - Anumang bentaheng makukuha ng chief trainer ni Jeff Horn ay kanyang kukunin para talunin si Manny Pacquiao.
Sinabi ni Glenn Rushton, ang cornerman ni Horn na hinugot niya si dating Filipino lightweight contender Caesar Amonsot bilang sparring partner ng Australian challenger.
“I think Czar will be great sparring for Jeff,” wika ni Rushton kay Amonsot. “He’s been undefeated for years and is a former Pacquiao sparring partner. He’s tough and aggressive and fight fit.”
Ang 31-anyos na si Amonsot ay naging sparmate ni Pacquiao habang ito ay nasa bakuran ng ALA boxing stable sa Cebu.
Kumpiyansa si Rushton na malaki ang maitutulong ni Amonsot (34-3-3, 22 KOs) sa paghahanda ni Horn (16-0-1, 11 KOs) laban kay Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) sa Hulyo 2 sa Brisbane, Australia.
Ang tubong Tagbiliran City ay kasalukuyang nakabase sa Victoria, Australia at kumakampanya sa super lightweight division.
Si Amonsot ay kasalukuyang sumasakay sa 12-fight winning streak.
Isa sa mga nakaharap ni Amonsot ay si dating Australian world lightweight title-holder Michael Katsisdis na tumalo sa kanya via unanimous decision noong 2007.