MANILA, Philippines - Itataya ng BaliPure Water Defenders ang solo lide-rato sa kanilang paghaharap kontra sa Creamline Cool Smashers habang hangad naman ng Power Smashers ang panglimang panalo ngayon sa pagpapatuloy ng 2017 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Tangan ang 6-2 win-loss kartada, haharapin ng Water Defenders ang Cool Smashers (3-5) sa alas-6:30 ng gabi habang magtatagpo naman ang Power Smashers (4-4) at Philippine Air Force Lady Jet Spikers (1-7) sa alas-4 ng hapon.
Sa men’s division, target ng Cafe Lupe Sunrisers na makapasok na sa win-column pagkatapos ng tatlong laro sa pakikipagsagupa laban sa Instituto Estetico Manila (1-3) sa ala-1 ng hapon.
Nasungkit ng BaliPure ang solo liderato matapos ang kanilang 25-21, 25-23, 16-25, 25-27, 15-10 panalo kontra sa Perlas Lady Spikers noong linggo at nahulog naman ang defending champion Pocari Sweat sa ikalawang puwesto sa 6-3 card pagkaraang matalo sa Creamline, 21-25, 25-18, 25-21, 25-13 noong Sabado ng gabi.
Ngunit hindi na-sustain ng Creamline nina Alyssa Valdez at imports Kuttika Kaewpin ng Thailand at Amerikanong si Laura Schaudt ang kanilang winning form matapos pataubin ng Power Smashers, 25-17, 22-25, 18-25, 25-18, 10-15 noong linggo kaya bumagsak sila sa 3-5 record.
Kung mananalo ang Water Defenders, lalo silang lalapit sa pagkuha sa isa sa top two spots kung saan didiretso sila sa semifinal round ng torneo na sinusuportahan ng Mikasa at Asics.
Binago ng organizer Sports Vision ang format sa kalagitnaan ng torneo kung saan ang top two teams pagkatapos ng double round elimination ay aabanse sa semis habang ang matitirang apat na koponan ay maglalaro pa ng isang round robin series sa quarterfinal round para paglabanan ang huling dalawang semis slots.
Kahit pa sa bagong format, kailangan pa ring maipanalo na ng Creamline ang huli nitong dalawang laro sa elims para manatili ang pag-asang makapasok sa semis. Tinalo ng BaliPure ang Creamline, 26-24, 17-25, 25-23, 28-26 sa first round ng elimination noong Mayo 16.
Sasandal si BaliPure coach Roger Gorayeb kina imports Jennifer Keddy at Jaroensri Bualee at mga local players na sina Aiko Urdas, Grethcel Soltones at Risa Sato. (FCagape)