TASHKENT, Uzbekistan - Tansong medalya lamang ang iuuwi nina light flyweight Rogen Ladon at flyweight Dannel Maamo mula sa nilahukang ASBC Asian Elite Men’s Cham-pionships dito.
Ito ay matapos mabigo si Ladon kay No. 3 seed Mongolian Gan-Erdene Gankhuyag at yumukod si Maamo kay No. 2 ranked South Korean Inkyu Kim sa semifinal round.
Parehong naging agre-sibo sina Ladon at Gankyuhag sa opening round bago nakapuntos ang Mongolian sa second round patungo sa 3-2 panalo nito laban sa Pinoy pug.
Nakalasap naman ang 20-anyos na si Maamo ng 1-4 kabiguan sa mga kamay ni Kim.
Ginamit ng Korean fighter ang kanyang height advantage para puntusan ang tubong Cagayan de Oro na si Maamo.
Dahil sa kabiguan nina Ladon at Maamo ay bronze medal lamang ang kanilang naibulsa sa nasabing torneo.
Ngunit ang mas mahalagang bagay na nakamit nina Ladon at Maamo ay ang tiket para sa 2017 World Championships na idaraos sa Hamburg, Germany sa Agosto.
Samantala, pipilitin naman ni middleweight Eumir Felix Marcial, natalo sa kanyang quarterfinal match laban kay Israil Madrimov, na makakuha ng puwesto para sa Hamburg event sa kanyang pagsabak sa isang box-off kontra kay Syrian Abdul Mouen Azziz. Nais ni Marcial na makasama sina Ladon at Maamo sa World Championships.