MANILA, Philippines - Nalampasan ng Perlas Lady Spi-kers ang mainit na laban kontra sa Power Smashers na umabot sa limang sets, 29-31, 24-26, 25-19, 25-23, 21-19 kahapon sa pagpapatuloy ng 2017 Premier Volleyball League Reinforced Conference sa FilOil Flying V Arena ng San Juan City.
Pinangunahan ni Kathy Bersola ang panalo ng Perlas para masungkit ang solo second sa kanilang 2-1 win-loss slate.
Ang kanilang unang panalo ay sa Creamline Cool Smashers, 23-25, 25-22, 25-19, 25-21 noong opening day.
“Sobrang dikit talaga ang laro. Mabuti na lang naka-survive kami. Gusto talaga naming manalo para makaiwas sa three-way tie. We hope tuluy-tuloy na ito. Sa mga fans namin I hope na patuloy ang inyong suporta,” sabi ni Bersola.
Samantala, nangailangan lamang ng tatlong sets ang Philippine Army Troopers para magwagi laban sa Cafe Lupe Sunrisers, 25-20, 25-18, 25-19 sa men’s competition.
Umiskor ng walong puntos si Jayvee Sumagay para masungkit ang kanilang ikalawang sunod na panalo at makisosyo sa liderato sa nagpapahingang Sta. Elena Wrecking Balls.
Ang Army Troopers at Wrecking Balls ay mayroon nang parehong 2-0 win-loss slate para sa magandang umpisa sa season opening conference na iniorganisa ng Sports Vision.
“Nagiging okay naman ‘yung jelling ng koponan namin. Lahat ng mga players ko ay naka-adjust na rin talaga sa sistema ko. I hope tuluy-tuloy na ito,” sabi ng Army Troopers coach Rico de Guzman.
Pinangunahan naman ni Joshua Barrica ang Cafe Lupe sa kanyang siyam na puntos ngunit nanganganib na ang kanilang kampanya dahil sa 0-2 card.