MANILA, Philippines - Iginupo ng kasalukuyang kampeon ng women’s division na De La Salle University ang University of Sto. Tomas, 25-14, 25-20, 24-26, 25-13 upang maunang umusad sa Finals ng UAAP Season 79 volleyball tournament na nagpatuloy sa Smart Araneta Colisuem sa Quezon City kahapon.
Ito ang pangatlong sunod na panalo ng La Salle sa UST ngayong season na siyang nagbukas ng pinto para sa kanilang pangsiyam na sunod na Finals appearance.
Nanguna sa panalo ng La Salle sina Majoy Ba-ron at Tin Tiamzon na nagtala ng 17 at 13 puntos ayon sa pagkakasunod para pamunuan ang limang Lady Spikers na nakapagtala ng double-figures sa scoring.
“Wala akong masabi,” pahayag ni La Salle head coach Ramil De Jesus. “Siguro kaloob na lang ng Diyos ‘yun dahil kasi sa hard work na ginagawa namin buong year.”
Matapos mabigong tapusin ang laro sa pangatlong set, agad kumalas ang Lady Spikers sa hu-ling set nang magposte ng 12-2 na kalamangan na hindi na nahabol pa ng Tigresses.
Humaba pa sa pangpitong sunod na season na hindi nakapasok sa Finals ng liga ang UST matapos tapusin ang kanilang apat na taon na paghihintay bago makabalik sa semifinals ngayong taon.
Kagaya ng inaasahan, binuhat nina Cherry Rondina at EJ Laure ang Tigresses na umiskor ng 16 at 14 na puntos ayon sa pagkakasunod.
Naglaro na rin sa huling pagkakataon sa kanilang karera sa kolehiyo sina Pam Lastimosa, Chloe Cortes, at Alex Cabanos para sa UST.
Hihintayin ng La Salle ang magwawagi sa Final Four match-up ng Ateneo Lady Eagles at FEU Lady Tamaraws mamayang hapon sa MOA Arena na kanilang makakalaban sa isang best-of-three series para sa kampeonato.