MANILA, Philippines - Pumuwersa ng draw si Filipino International Master Jan Emmanuel Garcia kay untitled Chinese Dai Changren sa 25 moves ng Ruy Lopez sa ninth at final round para makapasok sa Top 10 sa 17th Bangkok Chess Open sa Bangkok, Thailand kahapon.
Naglaro ng itim na piyesa, pinuwersa ni Garcia, nauna nang tinalo si Mongolian Woman Grandmaster Altan Ulzii Enkhtuul sa penultimate round, si Changren na makipagpalitan ng minor pieces para sa draw at matiyak ang puwesto sa Top 10 bitbit ang 6.5 points.
Tumapos din si Garcia bilang isa sa mga pinakamahusay na Fi-lipino performers sa nine-round tournament na pinagharian ni dating World Challenger GM Nigel Short ng England, nakipaghati ng puntos kay Russian GM Ivan Rozum sa 18 moves ng Caro-kann Defense para sa kanyang 7.5 points.
Walang nalasap na kabiguan si Garcia na nanalo ng apat na laro at nagtala ng limang draws laban kina GMs Aleksey Goganov ng Russia at Niclas Huschenbeth ng Germany sa sixth at seventh round, ayon sa pagkakasunod.
Si Garcia ay tumapos na may 6.5 points kagaya ni Chinese GM Wang Hao, ang top seed sa tor-neo sa kanyang FIDE rating na 2690 kumpara sa 2429 rating ng Pinoy woodpusher.