MANILA, Philippines - Tuluyan nang nakopo ng Cignal-San Beda ang kampeonato ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup matapos magpamalas ng impresibong laro nang ta-lunin ang Racal Ceramica, 81-78 sa Game Three ng kanilang best-of-three Finals series sa Ynares Arena sa Pasig kahapon.
Binuhat ni San Beda bigman Javee Mocon ang Hawkeyes na siyang nagtala ng 11 sa huling 13 puntos ng Cignal, matapos maiwan ng 42-29 sa first half bunga ng magandang depensa ng Tile Masters.
Sinelyuhan naman ni 2017 Aspirants’ Cup MVP Robert Bolick ang kanilang panalo sa dalawang freethrows na kanyang ibinuslo sa hu-ling 4.4 segundo ng laro upang ibigay sa Hawkeyes ang kalamangan.
Itinala ni Mocon ang 14 sa kanyang 25 puntos sa fourth quarter para pangunahan ang kanilang opensiba na sinegundahan ng 21 puntos ni dating La Salle Green Archer Jason Perkins.
“This championship is more of my players, if not for them we would not win this game,” pagsasaad ni Cignal head coach Boyet Fernandez.
Napanalunan din ni Fernandez ang kanyang pang-pitong titulo sa liga matapos mawala ng dalawang taon.
“With the two years that I was out, I learned some lessons, those lessons I learned I put in this line-up and my players really accepted the system right away and even though we lost our first game they stuck with the system and I’m hoping that I could carry this out for San Beda,” dagdag ni Fernandez.
Nasayang ang 24 na puntos na ginawa ni Jackson Corpuz, 11 rito ay kanyang inilista sa third quarter at ang 18 puntos ni Joseph Gabayni na nag-ambag ng siyam na puntos at 10 rebounds sa panalo ng Racal sa Game Two noong Lunes.
Nalimitahan naman sa apat at walong puntos ang kanilang mga main stars na sina Kent Salado at Rey Nambatac ayon sa pagkakasunod.
Tinapos ng Hawkeyes ang best-of-three championship series tangan ang 2-1 rekord. Nagwagi rin ang Hawkeyes sa Game One sa iskor na 93-85 bago naitabla ng Tile Master ang serye bunsod ng naisumite nitong 100-90 panalo sa Game Two.
Ito ang ikatlong titulo ni Bolick sa magkakaibang liga. Naging bahagi ito ng La Salle na naghari sa UAAP habang miyembro naman ito ng San Beda nang kubrahin ang titulo sa NCAA. - FML