Alaska sumalo sa liderato
MANILA, Philippines - Nagkaroon si rookie guard Mike Tolomia ng pagkakataong maipanalo ang nagdedepensang Rain or Shine ngunit hindi ito pinayagang mangyari nina Alaska import Cory Jefferson at guard JVee Casio.
Kumolekta ang 6-foot-9 na si Jefferson ng 41 points at 13 rebounds, habang nagsalpak si Casio ng apat na importanteng free throws sa dulo ng fourth quarter para itakas ang Aces laban sa Elasto Painters, 105-102, sa 2017 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Cory hit some big shots,” sabi ni coach Alex Compton kay Jefferson. “That’s what you like to see your import do, and any point guard in the world is expected to make those free throws and that’s what JVee did.”
Ang ikaapat na sunod na panalo ng Alaska ang nagtabla sa kanila sa Meralco sa liderato, habang nalasap ng Rain or Shine ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan matapos ang 3-0 pani-mula.
Tumapos si Casio na may 16 points kasunod ang 15 at 11 markers nina Sonny Thoss at Calvin Abueva, ayon sa pagkakasunod, para sa Aces.
Humakot naman si balik-import Shawn Taggart ng 40 points at 14 boards sa panig ng Elasto Painters, samantalang si Jericho Cruz ang tanging local player na nagtala ng double figures sa kanyang 11 markers.
Nag-ambag si Tolomia ng 9 points at ang kanyang huling basket ang nagbigay sa Rain or Shine ng 99-98 abante sa natitirang minuto ng final canto.
Matapos ito ay nagsalpak si Jefferson ng three-point shot para sa 101-99 abante ng Alaska sa huling 30.1 segundo.
Ang turnover ni Tolomia sa huling 23.1 segundo sa posesyon ng Elasto Painters ang nagresulta sa dalawang free throws ni Casio para sa 103-99 bentahe ng Aces sa nala-labing 16 segundo.
- Latest