Kinaliwa ni Whiteside
AUBURN HILLS, Michigan — Ginamit ni Hassan Whiteside ang kanyang kaliwang kamay para ilapit ang Miami Heat sa inaasam na playoff berth sa NBA.
Tinapik ni Whiteside ang bola papasok sa basket sa pagtunog ng final buzzer para itakas ang Heat laban sa Detroit Pistons, 97-96.
Ang tip in ni Whiteside, naglalaro na may makapal na bandage sa kanyang kanang kamay para protektahan ang 13 tahi, mula sa mintis ni Goran Dragic ang nagpanalo sa Miami.
Pumailanlang si Whiteside laban kay Andre Drummond para sa kanyang winning tip.
“I just tried to get a hand on it anyway I could,” sabi ni Whiteside, tumapos na may 17 points at 9 rebounds, para sa Miami (36-38), umangat ng isang panalo laban sa No. 9 Chicago at 2 1/2 laro kontra sa No. 10 Detroit para sa final playoff spot sa Eastern Conference.
“Our guys want this so bad,” wika naman ni Fil-Am Heat coach Erik Spoelstra, nakahugot kay Dragic ng 28 points.
Tumipa naman si Kentavious Caldwell-Pope ng 25 points habang nagdagdag sina Tobias Harris at Ish Smith ng tig-19 markers para sa Pistons (34-41).
Ito ang pang-limang sunod na kamalasan ng Detroit at ikawalo sa huli nilang siyam na laban.
Sa Houston, kumamada si Stephen Curry ng 32 points at nalampasan ng Golden State Warriors ang itinalang ika-20 triple-double sa season ni James Harden para talunin ang Rockets, 113-106.
Ito ang pang-walong sunod na ratsada ng Golden State.
Nagsalpak si Curry ng isang three-pointer sa huling 1:46 minuto ng fourth quarter para ibigay sa Golden State ang double digit lead matapos makalapit ang Houston sa likod ni Harden.
Nag-ambag naman si Klay Thompson ng 25 points para sa Warriors, pinaganda ang record sa 60-14 kumpara sa Rockets na pumapangatlo sa West sa ilalim ng Golden State at San Antonio Spurs.
Sa Atlanta, nasayang ang itinayong 18-point lead ng Hawks ngunit nakabalik sa porma para angkinin ang 95-91 panalo laban sa Phoenix Suns.
Winakasan ng Atlanta ang kanilang seven-game NBA losing slump.
Humugot si German guard Dennis Schroder ng 17 sa kanyang 27 points sa first quarter hanggang manahimik sa final period.
- Latest