TORONTO – Nagkaroon na naman ng gulo sa isang regular season game.
Napatalsik sa laro sina Serge Ibaka ng Raptors at Robin Lopez ng Chicago Bulls sa third quarter nang magpalitan ng suntok ang dalawa.
Matapos ang 3-pointer ni Jimmy Butler sa huling 3:58 minuto ng third quarter na nagbigay sa Chicago ng 16-point lead ay tinapik ni Lopez ang bola mula kay Ibaka.
Nagpormahan ang dalawa kung saan bumitaw ng suntok si Lopez kay Ibaka na gumanti naman nang kumonekta ang kanyang suntok sa ulo ng sentro.
Kapwa nasibak sa laro sina Lopez at Ibaka habang natawagan sina Bulls forward Nikola Mirotic at Raptors assistant coach Jamaal Magloire ng technical fouls dahil sa kanilang pagtutulakan.
“I’m not just going to be out there and watch a man like him punch me and walk away,” sabi ni Ibaka kay Lopez.
Humataw si superstar guard DeMar DeRozan ng 42 points at 8 assists para tapusin ng Raptors ang kanilang 11-game losing slump laban sa Bulls sa pamamagitan ng 122-120 overtime win.
“You don’t want to have something lingering like that and go a couple of seasons where you can’t beat a team,” sabi ni DeRozan. “When you’re a competitor, just to have that in the back of your mind, it sucks.”
Nag-ambag si Cory Joseph ng 19 points para sa Toronto, habang tumapos si Ibaka na may 16 markers bago siya napatalsik sa laro.
Naglista si Butler ng 37 points, 10 rebounds at 6 assists sa panig ng Bulls at nagdagdag si Rajon Rondo ng season-high na 24 markers.
Sa Dallas, kinuha ni Stephen Curry at ng Golden State Warriors ang kanilang ika-28 road victory ngayong season matapos gibain ang Mave-ricks, 112-87.
Nagtala si Curry ng 17 points at 9 assists habang may 23 markers si Klay Thompson tampok ang limang 3-pointers para sa Warriors.
Sa Miami, ipinoste si center Hassan Whiteside ng kanyang 23-point double-double para tulungan ang Heat sa 112-97 panalo laban sa Phoenix Suns.