MANILA, Philippines - Maghaharap nga-yong hapon ang huling apat na koponan ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa pagsisimula ng semifinal round na gaganapin sa Marikina Sports Complex.
Makakalaban ng Cignal-San Beda ang Tanduay sa tampok na laro sa alas-5:00 ng hapon habang makakatapat naman ng Racal Ceramica ang CafeFrance sa unang laro, alas-3:00 sa Game One ng kani-kanilang best-of-three series.
Susubukan ng bawat koponan na maka-una sa kanilang mga serye upang agad na makalapit sa Finals.
Inaasahang bibigyan ng magandang laban ng mga nagwagi sa quarterfinals na Tanduay at CafeFrance ang mga kalabang nag-top two pagkatapos ng single round robin eliminations.
“Underdog kami diyan number one seed sila, number four kami. You can say that we have everything to gain and nothing to lose,” pahayag ni Tanduay head coach Lawrence Chongson matapos talunin ang AMA Online Education sa kanilang quarterfinal match-up noong nakaraang Huwebes. “We’ll see, laban lang, bilog ang bola.”
Aasahan ni Chongson ang kanyang mga ex-pro na siyang nagdala sa kanilang huling apat na panalo na sina Mark Cruz at Jerwin Gaco kasama sina Bong Quinto, Jaymo Eguilos at Paul Sanga para lampasan ang pinakamainit na koponan ng torneo, ang Hawkeyes na pangungunahan nina Jason Perkins, Robert Bolick at Javee Mocon na nagmamay-ari rin ng 85-71 panalo sa Rhum Masters noong elimination round.
May tsansa naman ang Bakers na makabawi sa Tile Masters na siyang nag-laglag sa kanila sa pangatlong puwesto nang sila’y igupo ng mga ito sa iskor na 82-78 noong Marso 9.
Masusubukang muli ang tibay ng Tile Masters, sa pamumuno nina Kent Salado, Rey Nambatac, Sidney Onwubere, Jackson Corpuz at Allan Mangahas, laban kina Paul Desiderio, Rodrigue Ebondo, JC Casiño at Joseph Sedurifa. (FML)