Kabayong Skyway may pinatunayan

MANILA, Philippines - Pinatotohanan ng veteran stakes campaigner na Skyway ang pagkukunsidera bilang pre-race favorite matapos ungusan ang karibal na Blue Berry para pagwagian ang Philracom 4YO & Up Stakes Race kamakailan sa Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas.

Itinuring na odds-on favorite, maagang kinontrol ng 6-anyos na gray galloper ang karera sa pagbubukas pa lamang ng gate para iwanan ang Blue Berry ng kalahating dipa sa finish line.

“Marami pa ‘yung kabayo (Skyway), kaya alam kong hindi ako kayang lampasan ng Blue Berry,” sabi ni jockey Oneal P. Cortez, dating apprentice jockey na unti-unting gumagawa ng kanyang pangalan sa Class A league.

Nagsumite ang anak ng Bertrando (USA) mula sa Maria’s Tale (USA) mula sa lahi ng Maria’s Mon (USA) ng oras na 1:23.6 sa mga hinating 13-22-22.6-26 sa 1,400-meter race.

Ang premyong P300,000.00 ay ibinulsa ng owner at breeder na Cool Summer Farm.

“Skyway really runs her best at the Metroturf track which is also where she posted her biggest career win in the PCSO Silver Cup two years ago over such notables like Low Profile, Dixie Gold, Pugad Lawin and Hagdang Bato,” wika ni businessman Joseph “Joey” Dyhengco, may-ari ng Cool Summer Farm sa Lipa City, Batangas na tinanggap din ang Breeders’ Prize na P15,000.00.

Sumegunda ang Blue Berry ni Batangas City Mayor Eddie Dimacuha.

Show comments