MANILA, Philippines - Pinalawig ng Ateneo ang kanilang winning streak sa pitong laro matapos malampasan ang hamong ibi-nigay ng University of Sto. Tomas, 25-10, 26-24, 28-26 sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa San Juan Arena kahapon.
Gumawa ng tig-12 puntos sina Jhoanna Maraguinot at Bea De Leon para manguna sa kanilang pang-walong panalo sa siyam na laro.
Matapos maiwan sa unang set, lumaban ng husto ang Tigresses sa huling dalawang set kung saan nakuha nila ang bawat set point ng mga ito nang hu-mabol sa tatlo at limang puntos na distansya subalit sa huli ay nagpakita ng composure ang Lady Eagles at nagawa pa rin nilang makuha ang panalo.
Maipapanalo na sana ng Tigresses ang second set ngunit napahaba pa ito ng Lady Eagles dahil sa itinawag na four-touches error sa UST.
“Siyempre mas gusto namin na ‘di na umabot ng ganoon, (na nahahabol ‘yung lamang)” ayon kay Ateneo assistant coach Sherwin Meneses sa nangyari sa huling dalawang set. “Pero siyempre lumalaban yung kalaban. Maganda kasi, nakita mo ‘yung paglaban ng mga players (namin).”
Dahil sa panalo, isa na lamang ang kailangan ng Ateneo para makuha ang unang puwesto sa Final Four.
Umiskor naman ng 14 puntos si Cherry Rondina para sa UST na muling natalo pagkatapos ng apat na laro at ngayon ay nasa 5-4 gaya ng UP, FEU at NU.
Sa naunang laro, tinuldukan ng University of the Philippines ang kanilang four-game losing skid matapos talunin ang University of the East, 25-14, 18-25, 25-15, 25-10 na nagbunga ng four-way-tie sa 5-4 record.
Pumalo ng 12 puntos si Shaya Adorador para sa UE na nalaglag sa 1-8 matapos malasap ang kanilang pa-ngalawang sunod na pagkatalo ng second round.
Sa panig ng men’s division, lumapit sa Final Four ang NU (8-1) matapos walisin ang Adamson (2-7), 25-21, 25-12, 25-19 habang nakabawi naman ang UST (4-5) sa kanilang tatlong sunod na talo matapos tanggalin sa Final Four contention ang UE (1-8), 25-21, 22-25, 25-21, 25-18.