Huling twice-to-beat nasungkit ng Tanduay
MANILA, Philippines - Pormal na nakuha ng Tanduay ang huling twice-to-beat incentive sa quarterfinals ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup matapos padapain ang Jose Rizal University sa iskor na 73-69 sa hu-ling araw ng elimination round sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City kahapon.
Kumana ng 20 puntos ang dating pro na si Mark Cruz kabilang ang pitong assists na dinagdagan ng kanilang mga bigman na sina Jaymo Eguilos na gumawa ng 14 puntos at Jerwin Gaco na tumapos ng may 12 puntos at 10 rebounds para buhatin ang Tanduay sa kanilang pang-anim na panalo sa siyam na laro.
Matapos maghabol sa buong first half, nagawang maidikit ng Rhum Masters ang talaan sa pagtatapos ng third quarter, 57-56 hanggang sa dulo ng laro.
Nakagawa ng four-point barrier ang Rhum Masters sa nalalabing limang minuto ng fourth quarter na huling nabawasan ng Heavy Bombers sa iskor na 71-69 sa natitirang 5.2 segundo. Pagkatapos nito ay ibinuslo ni Cruz ang kanyang dalawang freethrows para selyuhan ang kanilang panalo.
Makakaharap ng Tanduay ang AMA Online Education sa quarterfinals, kung saan ang magwawagi ay makakatagpo ng Cignal sa semis.
Nagtala naman ng tig-15 puntos sina Teytey Teodoro, Japs Bautista at James Marquez para sa JRU na natapos sa kartadang 4-5, diretso sa kanilang laban sa quarterfinals kontra sa twice-to-beat na CafeFrance.
Sa naunang laro, tinapos ng Victoria Sports-MLQU ang kanilang unang kampanya sa D-League sa pamamagitan ng 85-76 na panalo kontra sa Blustar Detergent.
Kumolekta ng 19 puntos at 13 rebounds si Fil-Am Robbie Herndon na sinamahan pa ng 14 punétos at 10 rebounds ni Mark Ayonayon para pa-ngunahan ang Victoria na nagkasya na lamang sa dalawang panalo kontra sa pitong talo.
Tulad ng karamihan sa kanilang mga laro sa kabuuan ng torneo, kaagad na naunahan ang Dragons sa first quarter at hindi nakatikim ng kalamangan sa buong laro.
Umabante ng 65-48 na ang Victoria sa huling quarter na siyang pinakamalaking agwat sa laban.
Umiskor rin ng 19 puntos si Tristan Perez para sa guest team na Blustar na walang naipanalo sa kabuuang siyam na laro sa eliminations.
- Latest