MANILA, Philippines - Anim ang baguhan at anim naman ang balik-imports sa 2017 PBA Commissioner’s Cup na magbubukas na sa Biyernes sa Smart Araneta Coliseum.
Sa mga baguhan, tatlo ang maituturing legitimate NBA veterans na sina Sean Williams ng Globalport, Alex Stepheson ng Meralco at Greg Smith ng Blackwater.
Ang ibang baguhan ay sina Octavius Ellis ng Alaska, Alex Sthepheson ng Meralco, Charles Rhodes ng San Miguel Beer at Tony Mitchess ng Star Hotshots habang mga balik-imports ay sina Justin Brownlee ng Ginebra, James White ng Mahindra, Eugene Phelps ng Phoenix, Wayne Chism ng Nlex, Shawn Taggart ng Rain or Shine at Denzel Bowles ng TNT KaTropa.
Si Williams, No. 17 overall pick ng New Jersey Nets noong 2007 ay dati ring naglaro sa Dallas Mavericks at Boston Cel-tics habang si Smith naman ay dati ring naglaro sa Houston Rockets, Dallas Mavericks at Minnesota Timberwolves mula 2012 hanggang 2016.
Sa taong 2013, nakapaglaro si Smith ng kabuuang 70 games sa Houston Rockets at nag-average siya ng 6-puntos at 4.6 rebounds.
Ang 29-anyos na si Stepheson ay dati ring miyembro ng LA Clippers at Memphis Grizzlies kung saan umiskor siya ng 12 puntos at 15 rebounds sa kabuuang 25 minuto laban sa Houston Rockets.
Ang 23-anyos na si Ellis ay standout ng Tri-nity Valley Community College sa Athens, Texas kung saan pinangalanan siya sa First Team All-America ng National Junior College Athletic Association.
Ang 6’10 na si Ellis at ang 6’8 na si James White ng Mahindra ay ang pinakabatang imports.
Maghaharap ang Mahindra at Meralco sa alas-4:15 ng hapon habang uumpisahan naman ng defending champion Rain or Shine ang pagdedepensa sa korona kontra sa Nlex Road Warriors sa alas-7 ng gabi sa opening day sa Biyernes.