MANILA, Philippines - Naghahanda na si World Record Holder Joan Masangkay para sa kanyang unang salang sa 43kg weight class junior division kasama ang 19 Philippine teammate sa gaganaping 2017 Asian Powerlifting Championships sa Soreong West Java, Indonesia sa May 1 hanggang 6.
Makakasama rin niya ang kanyang ka-teammate sa Cyber Muscle Gym na si multi national record holder Jessa Mae Tabuan na nag-qualify para lumaban sa-43kg sub-junior division.
Ito rin ang kauna-unahang salang ni Tabuan sa International tournament na lalahukan ng iba’t ibang bansa sa Asia, kabilang dito ang Japan, Chinese Taipei, Kazakhstan, Indonesia, Singapore, Mongolia, at iba pa.
Nakatuon ngayon ang pansin sa training si coach Cirilo Dayao ng Cyber muscle gym at Coach Deh ng Zest Power Gym para matutukan ng husto ang ginagawa ni Masangkay.
Nag-combine ang dalawang coach para lalo pang lumakas si Masangkay na Rank no.1 ng Pilipinas at rank no.1 sa buong Asia.
Naniniwala ang pumunuan ng PAP (Powerlifting Association of the Philippines) sa ilalim ni President Eddie Torres at mga official nito na maduduplika ni Masangkay ang apat na gold medal na nakuha niya noong nakaraang taon.
Bukod kay masangkay, nakalinya ring sumama para kumatawan ng Pinas sina Kathleen Chiang maglalaro para sa 63kg Junior category division, Alexis Nicole Go-84+kg Junior division, Andea Rowella Abrea-47kg Sub-junior division, Leslie Evangelista-47kg Open division, Raymond Debuque-120kg open division.