MANILA, Philippines - Matapos makamit ang ikalawang sunod niyang korona sa LBC Ronda Pilipinas, puntirya naman ni Jan Paul Morales ang pagsikwat sa gintong medalya sa darating na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sinabi ng 31-anyos na Navyman na handa siyang katawanin ang Pilipinas sa nasabing biennial event na nakatakda sa Agosto 19-31.
“Kung gusto pa nila akong isama sa national team, handa ako,” wika ng tubong Calumpang, Marikina na hinirang na unang back-to-back champion ng LBC Ronda Pilipinas at ikalawang siklista na naghari ng dalawang beses matapos si Santy Barnachea noong 2011 at 2015.
Kumpiyansa si Morales na makakapag-uwi siya ng medalya mula sa Kuala Lumpur SEA Games makaraang angkinin ang anim na lap victory sa naturang 14-stage event ng LBC Ronda Pilipinas na nagtapos noong Sabado sa Iloilo City.
Pumadyak si Morales ng dalawang bronze me-dals sa 4-kilometer team pursuit at 10km scratch noong 2009 SEA Games na idinaos sa Laos.
Nabigo naman si Morales at ang road race team na makasikwat ng medalya nang tumapos sa No. 6 sa 100km Team Time Trial at No. 23 sa 163-km road race sa Myanmar SEA Games.
“Siguro ngayon masasabi ko nang nag-mature na ako bilang siklista,” ani Morales.
Nakalatag sa 2017 Kuala Lumpur SEA Games ang road race at track events na inaasa-hang lalahukan ni Morales.
Samantala, inihayag ni LBC Ronda Pilipinas project director Moe Chu-lani na gagawin nila ang 2018 edition ng event sa buwan ng Abril.
“It has been set, our LBC Ronda Pilipinas 2018 edition will start on April 6,” sabi ni Chulani sa LBC Ronda Pilipinas na palagiang idinadaos tuwing Pebrero na nagresulta sa pagkakasabay sa Le Tour.