MANILA, Philippines - Napigilan ng National University ang matinding pagbabalik ng University of the Philippines, 25-23, 25-17, 22-25, 18-25, 15-12 sa pagtatapos ng first round ng eliminations ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa MOA Arena kahapon.
Binuhat ni team captain Jaja Santiago ang NU, na umiskor ng 18 puntos na sinegundahan ng 15 puntos ni Jorelle Singh.
Tinapos ng Lady Bulldogs ang fifth set sa pamamagitan ng 9-2 run upang makabalik mula sa 10-6 na pagkakaiwan at tuldukan ang kanilang three-game losing skid.
Bago ito, nagtamo ng injury sa kanyang kaliwang tuhod ang starting libero ng Lady Maroons na si Pia Gaiser sa umpisa ng first set na hindi nila inalintana sa kanilang pagbangon sa third at fourth set kung saan inatake nila ang depensa ng Lady Bulldogs.
Nagtala ng 20 puntos si Marian Buitre para sa UP na nalasap ang kanilang ika-3 sunod na talo.
Dahil sa panalo ng NU, kasama nila sa isang four-way tie sa rekord na 4-3 ang UP, FEU at UST.
Sa naunang laro, nakuha ng University of the East ang unang panalo ngayong season matapos talunin ang Adamson, 25-22, 20-25, 25-17, 25-18.
Nagbigay ng 23 puntos si Shaya Adorador para pangunahan ang opensiba ng Lady Warriors na pinatakbo ni Roselle Baliton na kumolekta ng 55 excellent sets.
Sinabi ni UE head coach Francis Vicente na malaking bagay ito para sa kanyang mga manla-laro pagkat nakita nilang kaya nilang tapusin ang isang laban.
Ito ang pangalawang panalo ng Lady Warriors sa loob ng 65 laro sa huling apat na seasons at ang pa-ngalawa laban sa Lady Falcons na siyang nag-iisang koponan na kanilang tinalo noong nakaraang taon para tuldukan ang kanilang 58 sunod na kabiguan.
Samantala, sa men’s division, kinubra ng NU (6-1) ang kanilang panlimang sunod na panalo laban sa UP (3-4), 26-24, 25-13, 23-25, 25-20 habang nasungkit naman ng Adamson (2-5) ang kanilang panga-lawang panalo matapos ipalasap sa UE (0-7) ang kanilang pang-35 sunod na pagkatalo mula noong Season 77, 27-25, 25-18, 25-16.