Lady Eagles solo sa no.1

MANILA, Philippines - Sa unang paghaharap ng magkaribal na Ateneo Lady Eagles at defending champions La Salle Lady Spikers sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament, nangibabaw ang Lady Eagles, 26-24, 26-24, 21-25, 25-17, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.

Nagbigay ng 18 puntos si Kat Tolentino para pamunuan ang Lady Eagles sa kanilang pang-apat na sunod na panalo upang masolo ang pangkalahatang pamumuno.

Matapos maagaw ng Lady Spikers ang third set, bumuwelta ang Lady Eagles at nagposte ng 22-14 na kalamangan sa fourth set para angkinin ang panalo.

Bago ito, napanalunan ng Lady Eagles ang unang dalawang set sa pamamagitan ng pagpapakawala ng 6-1 run upang tapusin ang mga ito at balewalain ang set point ng Lady Spikers matapos maghabol sa kabuuan ng mga ito.

“Yung first two sets hindi talaga bumitaw ‘yung mga players gusto lang talaga nilang manalo,” sabi ni Ateneo assistant coach Sherwin Meneses.

Pumalo naman ng 15 puntos si Kim Dy para sa La Salle na ngayon ay may 5-2 na rekord sa solo second place.

Sa isa pang laro, tinapos ng University of Sto. Tomas ang three-game winning streak ng Far Eastern University, 25-16, 21-25, 26-24, 25-20.

Gumawa ng 17 puntos si EJ Laure para pangunahan ang Tigresses sa kanilang pangatlong sunod na panalo.

Sa men's division, nananatiling malinis ang kartada ng defending champions Ateneo (7-0) para walisin ang first round ng eliminations sa unang pagkakataon matapos igupo ang La Salle (2-5), 25-21, 25-21, 25-18 habang nanaig naman ang FEU (5-2) laban sa UST (3-4), 25-19, 25-23, 25-22.

 

Show comments