Sinabi ni Top Rank Inc. chief Bob Arum na magiging prayoridad niya ang itinakdang laban nina Manny Pacquiao at Amir Khan.
Ngunit para magawa niya ito ay kailangan munang ipakita ng isang grupo sa United Arab Emirates ang ipinangakong $38 milyong premyo kay Pacquiao.
“I don’t want to talk about any other fights,” wika ni Arum sa report ng ABS-CBN. “That’s what we are concentrating on – the fight with Amir Khan at the UAE.”
Isang investment group sa UAE ang naglatag ng $38 milyon para labanan ni Pacquiao si Khan sa Middle Eastern country.
Ang adviser ni Pacquiao na si Mike Koncz ang nanguna sa negosasyon bago nakipagtulungan kay Arum sa Top Rank’s office sa Las Vegas.
Nagkasundo silang itakda ang laban sa Mayo 20 mula sa naunang petsang April 23.
Ngayon ay gusto ni Arum na makita ang pera para masimulan ang pagpaplano sa laban.
“In order for the fight to happen in the UAE, funds have to be produced to enable the fight to happen and I am hoping that those funds would materialize,” wika ng veteran promoter.
Ang isyu sa pondo ay mahalaga para sa pagpaplantsa sa isang laban.
“However, if they (money) don’t materialize, we have to do something else,” wika pa ni Arum.
Nauna nang kinausap ng Top Rank boss ang kampo ni Australian Jeff Horn para sa kanyang paghahamon kay Pacquiao sa Brisbane, Australia.
Ngunit bumagsak ito nang ihayag ni Pacquiao ang pagsagupa niya kay Khan sa UAE.
Nangako ang promoter ni Horn ng premyong $5 milyon para kay Pacquiao.