Lady Tamaraws umaangat na
MANILA, Philippines - Pinalawig ng Far Eastern University sa tatlong laro ang kanilang winning streak matapos igupo ang University of the Philippines, 25-17, 24-26, 25-23, 25-19 sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa San Juan Arena kahapon.
Nagpakitang-gilas si Bernadeth Pons para sa FEU na bumira ng 24 na puntos para pangunahan ang kanyang koponan na tumabla sa UP sa 4-2 panalo-talo.
Ginamit ng Lady Maroons ang sprain na natamo ni senior spiker Nicole Tiamzon upang makabalik sa 23-20 na pagkakaiwan sa panga-lawang set.
Sa kabila nito, matagumpay na nalampasan ng Lady Tamaraws ang mga scoring run na pinakawalan ng Lady Maroons sa dalawang huling set, upang maiuwi ang panalo.
Nakabalik naman sa bench si Tiamzon matapos matingnan ng kanilang team physician ang kanyang paa subalit hindi na siya ibinalik sa laro ni UP head coach Jerry Yee.
Patuloy naman ang magandang inilalaro nina Diana Carlos at Isa Molde na naglista ng 17 at 11 puntos para sa UP, na natalo sa pangalawang sunod na laro.
Sa panig ng men’s division, tinalo ng NU (5-1) ang UST (3-3), 25-23, 25-18, 25-19 habang sinolo naman ng FEU (4-2) ang pangatlong puwesto matapos pataubin ang UP (3-3), 27-25, 25-17, 25-20.
Sa isa pang laro, pinasuko ng University of Santo Tomas ang National University, 21-25, 25-14, 25-14, 25-12.
Gumawa ng 15 puntos si Cherry Rondina para sa pangalawang sunod na panalo ng Tigresses.
Nabigo nang maka-bawi ang Lady Bulldogs matapos makuha ng Tigresses ang momentum sa pangalawang set na naghatid sa kanilang pangatlong sunod na pagkatalo.
Tumapos rin na may 15 puntos si team captain Jaja Santiago para sa NU.
Nagresulta sa parehong 3-3 na rekord gaya ng NU ang panalo ng UST.
- Latest