MANILA, Philippines - Ito na ang magiging pinakahu-ling pagkakataon na pepedal si Lloyd Lucien Reynante ng Navy-Standard Insurance sa LBC Ronda Pilipinas.
Nagdesisyon kahapon ang 38-anyos na rider na tuluyan nang iparada ang kanyang racing bike at isabit ang kanyang cycling jersey.
“Ipapahinga ko na ang katawan ko. Itong Ronda ang pinakahuli kong cycling competition,” sabi ni Reynante sa one-week break ng 2017 LBC Ronda Pilipinas.
“Nagpapasalamat ako sa pagkakataong naibigay sa akin na makapag-compete laban sa mga pinakamaga-galing na siklista sa bansa sa loob ng higit sa 20 taon. Wala na akong mahihiling pa,” dagdag pa nito.
Nakatakdang magretiro si Reynante, isang seaman second class, bilang Navyman sa Hulyo matapos ang 20 taong serbisyo.
Hindi siya nagsisisi sa kabiguan niyang makamit ang korona ng Tour na pinagharian ng kanyang amang si Manuel noong 1980.
Kuntento na si Reynante sa pagiging runner-up kina Rhyan Tanguilig, Joel Calderon at Irishman David McCann noong 2004, 2009 at 2010, ayon sa pagkakasunod, bukod pa ang hindi mabilang na pagkakapuwesto sa top five at top 10 finishes.
“Ako lang siguro ang tanging Filipino rider na may pinakamaraming second place finishes,” wika ni Reynante.
Sa kanyang pagreretiro sa aktibong kompetisyon ay tututukan na lamang ni Reynante ang coaching.
“Ilang taon na akong coach ng Navy-Standard Insurance at kung gusto pa rin nila akong maging coach sa susunod na taon ay isa nang ma-laking karangalan para sa akin,” ani Reynante. “May bago rin akong team, ang Bike Extreme.”
“Nangangarap din akong maging coach ng national team. Sana mabigyan ako ng pagkakataon,” dagdag pa nito.
Magpapatuloy ang 2017 LBC Ronda Pilipinas sa Marso 2 sa Guimaras kasunod ang Stage 13 at 14 sa Marso 3 at 4 sa Iloilo City.
Premyong P1 milyon ang inilatag ng presentor na LBC para sa magkakampeon katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.