MANILA, Philippines - Kaagad tumulak kahapon patungong Iloilo City ang nagdedepensang si Jan Paul Morales at ang koponan ng Navy-Standard Insu-rance para paghandaan ang huling tatlong yugto ng 2017 LBC Ronda Pilipinas.
“Kailangan tuluy-tuloy ang ensayo namin, kaya pupunta kaagad kami sa Iloilo,” sabi ng 31-anyos na si Morales, hangad maging kauna-unahang back-to-back champion ng nasabing 14-stage race na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.
Bumabandera si Morales hawak ang Red Jersey sa overall individual classification sa kanyang oras na 37:25:56 kasunod ang kapwa Navyman na si Rudy Roque (37:28:11), Cris Joven (37:37:03) ng Kinetix Lab-Army, Bryant Sepnio (37:41:33) ng Go for Gold, Leonel Dimaano (37:46:05) ng RC Cola-NCR, Ryan Serapio (37:47:16) ng Team Ilocos Sur, Daniel Ven Carino (37:48:28), Lloyd Lucien Reynante (37:48:43) at Ronald Lomotos (37:48:45) ng Navy at Reynaldo Navarro (37:49:49) ng Army.
Nauna nang isinuot ni Roque ang Red Jersey mula sa Stage One hanggang Stage Seven bago ito naagaw ni Morales sa Stage Eight.
“Hindi pa sigurado kung ako ang mananalo kasi crucial ‘yung last three stages sa Iloilo,” wika ng tubong Calumpang, Marikina na si Morales.
Nakatakda ang Stage 12, 13 at 14 sa Marso 2, 3 at 4 sa Iloilo City kung saan kokoronahan ang maghahari sa 2017 LBC Ronda Pilipinas.
Pakakawalan ang 40-km Stage 12 Individual Time Trial sa Guimaras sa Marso 2.
“Napagkasunduan ng team na kung sino ang mangunguna matapos ang Stage 12 ay siya ang susuportahan ng lahat para makuha ‘yung title,” ani Morales.
Nagparamdam ng kanyang lakas ang 25-anyos na tubong Tibo, Bataan na si Roque makaraang pagharian ang 140km-Stage 11 na nagsimula sa Calamba, Laguna at nagtapos sa Antipolo City.
“Hindi na siguro ako aasang magtsa-champion. Basta bahala na kung anong mangyari sa Iloilo,” wika ni Roque, anak ng dating Tour campaigner na si Manolito.