MANILA, Philippines - Kakapit sa pangalawang puwesto sa standings ng women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament ang magkaribal na Ateneo at defending champions La Salle sakaling pareho nilang maipanalo ang kanilang mga laro sa San Juan Arena ngayong hapon.
Makakaharap ng La Salle ang Adamson sa dakong alas-kwatro habang magtatapat naman ang Ateneo at University of the East sa alas-2:00.
Matagumpay na nakabawi ang Lady Spikers matapos matanggap ang kanilang unang pagkatalo ngayong taon sa kamay ng nangungunang UP Lady Maroons noong nakaraang linggo, nang kanilang igupo ang NU Lady Bulldogs sa kanilang huling laro, 29-27, 25-16, 25-21.
Kasalukuyan namang hinahanap ng Lady Falcons ang kanilang unang panalo, gaya ng UE na wala pang panalo sa loob ng apat na laro.
Susubukang bigyan ng Adamson ng magandang laban ang La Salle sa likod ng ipapakitang laro nina Jemma Galanza, Bernadette Flora, Ronjean Momo at Joy Dacoron.
Nakadepende pa rin naman ang La Salle kina reigning Best Setter Kim Fajardo, Kim Dy, Majoy Baron, libero Dawn Macandili at kay Tin Tiamzon na patuloy ang magandang inilalaro sa kanyang pangalawang taon sa liga.
Nais namang sundan ng Lady Eagles ang kanilang dalawang magkasunod na panalo para iangat ang kasalukuyang 3-1 rekord gaya ng Lady Spikers.
Inaasahan ang magandang laro mula kina Michelle Morente, Jhoanna Maraguinot at Bea De Leon para sa Ateneo habang babanderahan pa rin naman nina Shaya Adorador, Meanne Mendrez at Gayle Alcyade ang UE na nagawang manalo ng dalawang set ngayong season.