Sinamantala ni Roque

ANTIPOLO CITY, Philippines - Nagkaroon si Rudy Roque ng Navy-Standard Insurance ng pagkakataong makawala sa kakampi niyang si Jan Paul Morales nang sumakit ang binti ng nagdedepensang kampeon sa Mabitac, Laguna at hindi na ito pinakawalan ng 25-anyos na tubong Tibo, Bataan.

Nagposte si Roque ng bilis na tatlong oras, 57 minuto at 39 segundo para angkinin ang 140km-Stage 11 ng 2017 LBC Ronda Pilipinas na nagsimula sa Calamba, Laguna at nagtapos dito kahapon.

“Siguro kanina nakondisyon lang kaming dalawa sa palitan bago niya ako pinakawalan sa Mabitac (Laguna), kaya hindi na ako huminto,” dagdag pa ni Roque, anak ng dating Tour campaigner na si Manolito.

Nauna nang hinawakan ni Roque ang overall indivi-dual lead at ang Red  Jersey sa Stage One hanggang Stage Seven hanggang maagaw ito ni Morales.

“Naghabol ako pero hindi ko na idinikit kay Roque kasi nakabantay sa akin si (Ronnel) Hualda at medyo sumakit ‘yung muscle ko sa binti,” sabi ng 31-anyos na si Morales, naghari sa Stage Two, Three at Seven ng 14-stage race na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.

Naunahan ni Roque sa pagtawid sa finish line sina Morales (3:59:43), Hualda (3:59:43) ng Go for Gold, Lord Anthony del Rosario (4:01:14) ng Kinetix Lab-Army, Jhunvie Pagnanawon (4:01:14) ng Bike Extreme, Reynaldo Navarro (4:01:14) ng Army, Lloyd Lucien Reynante (4:01:16) at Stage One winner Ronald Lomotos (4:01:24) ng Navy, Cris Joven (4:01:24) ng Army at Bryant Sepnio (4:01:24) ng Go for Gold.

Ibinulsa ni Roque ang lap prize na P20,000, habang nakuha nina Morales at Hualda ang P10,000 at P5,000, ayon sa pagkakasunod.

Bagama’t nabigong angkinin ang kanyang ikatlong sunod na lap victory ay hawak pa rin ni Morales ang Red Jersey sa kanyang oras na 37:25:56 kasunod sina Roque (37:28:11), Joven (37:37:03), Sepnio (37:41:33), Leonel Dimaano (37:46:05) ng RC Cola-NCR, Ryan Serapio (37:47:16) ng Team Ilocos Sur, Daniel Ven Carino (37:48:28), Reynante (37:48:43) at Lomotos (37:48:45) ng Navy at Navarro (37:49:49).

Si Carino ang bumabandera sa Best Young Rider (Yellow Jersey) category sa kanyang bilis na 37:48:28 habang patuloy ang pagtrangko ng Navy sa overall team classification sa kanilang (151:00:31) kasunod ang Go for Gold (151:52:48) at Army (151:58:46).

Show comments