MANILA, Philippines - Puntirya ng AMA Online Education ang maka-una sa pangalawang puwesto sa standings ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa kanilang pagharap sa Blustar Detergent na mangyayari sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City ngayong umaga.
Mag-uumpisa ang laro pagpatak ng alas-11:00 na susundan ng labanang Team Batangas at Wangs Basketball sa dakong ala-una ng hapon.
Galing ang Titans sa dalawang sunod na panalo, pinakahuli rito ay ang 88-80 tagumpay kontra sa Victoria Sports, upang umupo sa kartadang 4-2 matapos makaranas ng dalawang sunod na kabiguan laban sa Racal at Tanduay.
Para naman sa Dragons, patuloy pa rin silang naghahanap ng panalo matapos madapa sa kanilang unang apat na laro sa kanilang pangalawang beses na pagsali bilang guest team sa liga.
Sususbukang samantalahin ng Blustar ang pansamantalang pagkawala ni 2016 PBA D-League Rookie Draft top pick Jeron Teng na kasalukuyang naglalaro sa Dubai International Tournament bilang bahagi ng koponang Mighty Sports, sa pamumuno ng kanilang Malaysian core kasama ng mga local reinforcements na sina Jason Melano at Tristan Perez.
Aasahan naman ng AMA sina Juami Tiongson, Jay-R Taganas, Genmar Bragais at Ryan Arambulo para punan ang pagkawala ng kanilang leading scorer na si Teng, na inaasahang babalik sa kanilang susunod na laro laban sa Wangs Basketball sa Lunes.
Pareho namang nais makabalik sa winning column ng Team Batangas at Wangs sa pamamagitan ng pagpi-gil sa kanilang mga losing skid.
Aangat sa solo seventh place ang magwawagi sa dwelo at siyang babasag sa three-way tie sa 1-4 kasama ng Victoria. FMLumba