Lady Spikers inawat ang Lady Bulldogs
MANILA, Philippines - Tinapos ng defending champions La Salle ang three-game winning streak ng National University sa pamamagitan ng 29-27, 25-16, 25-21 panalo sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament sa San Juan Arena kahapon.
Umiskor ng 17 puntos si sophomore spiker Tin Tiamzon na sinegundahan ng 11 puntos ni Fil-Nigerian Aduke Ogunsanya para pangunahan ang Lady Spikers.
Tinapos ng Lady Spikers ang laro sa pamamagitan ng 3-1 run, matapos basagin ang two-point barrier ng Lady Bulldogs na huling nakalamang ng 20-22.
Bumira naman ng 13 puntos para sa NU ang kanilang kapitan at middle blocker na si Jaja Santiago.
Dahil sa panalo ng La Salle, sumama sila sa three-way-tie sa rekord na 3-1, kasama ang NU at Ateneo.
Sa unang laro, nakuha ng University of the Philippines ang kanilang pang-apat na sunod na panalo laban sa University of Sto. Tomas 25-22, 25-22, 29-31, 25-19.
Gumawa ng 18 puntos si Diana Carlos para sa UP para solohin ang unang puwesto sa standings, hawak ang barahang 4-0.
Matapos matalo sa isang set sa unang pagkaka-taon ngayong season, nakabawi ang Lady Maroons sa fourth set para tapusin ang laban.
Tumapos rin ng may 18 puntos si EJ Laure para sa UST na ngayon ay may 1-3 na rekord.
Sa men’s division, tinuhog ng NU (3-1) ang kanilang pangatlong sunod na panalo kontra sa La Salle (1-3), 27-29, 25-17, 25-21, 25-19, habang nakabalik naman ang UP (3-1) sa dalawang set na pagkakaiwan laban sa UST (2-2) tungo sa 25-23, 20-25, 20-25, 25-16, 15-8 panalo.
Tabla na sa 3-1 record ang Bulldogs at Maroons bunga ng kani-kanilang panalo habang nalaglag naman ang La Salle sa 1-3 kartada at ang Santo Tomas ay bumagsak sa 2-2 record.
- Latest