MANILA, Philippines - Mabilis na tinapos ng Ateneo Lady Eagles ang kanilang laban kontra Adamson Lady Falcons, 25-19, 25-18, 25-13 sa wo-men’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament na ginanap sa FilOil Flying V Center sa San Juan City kahapon.
Namuno sa pangalawang sunod na panalo ng Ateneo ang kanilang kapitan at setter na si Jia Morado na humataw ng 43 excellent sets, habang umiskor naman ng 12 puntos si Michelle Morente.
Ang panalo ay ikatlo ng Lady Eagles sa apat na laro para solohin ang ikatlong puwesto.
“Nahirapan kami sa kanila,” pahayag ni Ateneo assistant coach Sherwin Meneses. “Adamson really fought hard in the first two sets.”
Gumawa naman ng 8 puntos si Jemma Galanza para sa Adamson na ngayon ay nasa ibaba ng standings sa 0-4 baraha.
Sa naunang laro, tinalo ng Far Eastern University ang University of the East, 25-18, 25-22, 25-27, 25-11, upang pantayin ang kanilang kartada sa 2-2.
Binuhat ni Bernadeth Pons ang FEU sa pagposte ng 17 puntos, habang nagbigay naman ng 15 puntos si Jerrili Malabanan.
Inunahan ng Lady Tamarraws ang Lady Warriors sa pang-apat na set nang umabante ang mga ito ng 8-2, matapos maisahan sa pangatlong set, at mula doon ay hindi na nila pinakawalan pa ang naitalang kalamangan.
Bumandera naman sina Shaya Adorador at Meanne Mendrez na nagtala ng 12 at 10 puntos para sa UE na patuloy ang pagsadsad sa standings matapos lumasap ng ikaapat na talo sa parehong dami ng laro.
Sa men’s division, hinagupit ng defending champions Ateneo (4-0) ang Adamson (0-4), 25-17, 25-16, 25-20, habang pinalasap naman ng FEU (3-1) sa UE (0-4) ang kanilang pang-32 sunod na pagkatalo, 25-21, 21-25, 18-25, 25-18, 15-9.
Magpapatuloy ang aksiyon ngayon sa parehong venue sa pagsasagupa ng UST Tigresses at UP Lady Maroons sa alas-2:00 ng hapon na susundan ng sagupaan ng NU Lady Bulldogs at defending champion DLSU Lady Spikers sa alas-4:00.
Asam ng Lady Bulldogs at Lady Wariors ang ikaapat na sunod na panalo upang manatili sa pamumuno na pinagsasaluhan nila ngayon sa parehas na kartadang 3-0 panalo-talo.
Ang matatalo ay makakatabla ng pahinga ngayong Ateneo
Sa men’s division maghaharap ang UST at UP sa alas-8:00 ng umaga kasunod ang laban ng NU at La Salle sa alas-10:00.