UNISAN, Quezon, Philippines - Si Rudy Roque ng Navy-Standard Insurance ang nagsuot ng Red Jersey simula sa Stage One hanggang Stage Seven.
Ngunit dahil masyado siyang binantayan ng mga kalaban ay napilitan si defending champion Jan Paul Morales na saluhin ang trabaho ng kakamping si Roque para mapangalagaan ang paghawak sa overall individual lead ng 2017 LBC Ronda Pilipinas.
Umagaw naman ng eksena ang 19-anyos na si Jay Lampawog ng Navy nang angkinin ang 183-km Stage Eight na pinakawalan sa Daet, Camarines Norte at nagtapos dito kahapon.
“Inisip ko kung makakalapit ako sa unang breakaway group ay magpupursige ako,” wika ng pambato ng Calumpang, Marikina na siyang bagong magsusuot ng Red Jersey matapos magtala ng oras na 28:55:16 para angkinin ang liderato sa overall individual classification. “Masaya pa rin naman kasi sa amin pa rin naman ‘yung Red Jersey,” dagdag ng 31-anyos na si Morales, naghari sa Stage Two, Three at Seven ng 14-stage race na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.
Nagposte naman si Lampawog ng tiyempong apat na oras, 29 minuto at 29 segundo para pangunahan ang Stage Eight at angkinin ang una niyang lap win.
Iniwanan ng 2015 Best Young Rider awardee ang kakamping si Morales, Stage Six king Jaybop Pagnanawon ng Bike Extreme,Carcueva, Sepnio, Navarro, Jigo Mendoza ng Go for Gold na may pare-parehong oras na 4:30:39, Ryan Serapio (4:31:21) ng Team Ilocos Sur, Ronnel Hualda (4:34:51) ng Go for Gold at Marvin Tapic (4:34:55) ng Kinetix Lab-Army.
Hindi pa rin binibitawan ng mga Navymen ang team overall lead nang magposte ng 116:46:48 kasunod ang Go for Gold (117:07:01) at Kinetix Lab-Army (117:27:50).