MANILA, Philippines - Ipinalasap ng University of the Philippines sa defending champions La Salle ang kanilang unang pagkatalo sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament, 25-22, 25-21, 25-19, sa San Juan Arena kahapon.
Pumalo ng 16 na puntos si Nicole Tiamzon para sa Lady Maroons, na naitala ang kanilang pangatlong sunod na panalo at sumosyo sa lide-rato ng standings kasama ang NU.
Agad sumargo ng 11-4 na kalamangan ang Lady Maroons sa unang set na siyang nagdikta ng takbo ng laban.
Huling nakatakim ng kalamangan ang Lady Spikers 8-4, sa huling set kung saan naging dikit ang laro at da-han-dahang kinuha ng Lady Maroons ang bentahe sa 16-15 patungo sa tagumpay.
“Malaking bagay,” ayon kay UP assistant coach Rald Ricafort tungkol sa panalo. “Alam kasi ng mga bata na advantage nila yung maturity nila this season dahil sa composition ng team nila.”
Nagposte naman ng tig-siyam na puntos sina Majoy Baron at Kim Dy para sa ngayon ay 2-1 na La Salle.
Sa isa pang laro, kinubra ng University of Sto. Tomas ang kanilang unang panalo ng taon laban sa University of the East 25-9, 25-22, 25-23.
Nanguna sa panalo ng Tigresses si middle blocker Ria Meneses na gumawa ng 13 puntos.
Nagbigay ng magandang laban ang Lady Warriors sa huling dalawang set, subalit nabigo silang kumapit sa lamang sa dulo ng mga ito.
Umiskor naman ng tig-anim na puntos sina Gayle Alcayde at Meanne Mendrez para sa UE na wala pa ring panalo sa loob ng tatlong laban.
Sa men’s division nasungkit ng La Salle (1-2) ang kanilang unang tagumpay ngayong season matapos ibigay sa UP (2-1) ang kanilang unang kabiguan, 25-23, 25-19, 25-21 habang pinagpatuloy naman ng UST (2-1) ang patuloy na pagkakalugmok ng UE (0-3), 28-26, 19-25, 23-25, 25-23, 15-7.