La Salle, UP somosyo sa liderato

MANILA, Philippines – Tumabla sa maagang liderato ng standings sa women’s division ng UAAP Season 79 volleyball tournament ang defending champions La Salle at University of the Philippines matapos parehong maipanalo ang kanilang mga laban sa San Juan Arena kahapon.

Naungusan ng La Salle ang University of Sto. Tomas 25-23, 16-25, 25-14, 25-22 habang nalagpasan naman ng UP ang pagsubok na ibinigay ng University of the East, 25-16, 26-24, 25-19.

Gumawa ng 16 na puntos si Season 78 Finals MVP Kim Dy para buhatin ang Lady Spikers sa kanilang ikalawang sunod na panalo.

Matapos matalo sa pangalawang set ay gumanti ang Lady Spikers sa ikatlong yugto ng laban, kung saan kaagad silang umalagwa sa 8-3 at nakapagtayo ng pitong puntos na abante na hindi na nabuwag ng Tigresses at nagtuluy-tuloy ito sa fourth set kung saan lumayo ang La Salle sa iskor na 14-2.

Naibaba pa ito ng Tigresses sa apat na puntos sa dulo ngunit matagumpay na naibalik ng Lady Spikers ang kanilang kontrol sa laro.

Umiskor naman ng tig-13 puntos sina EJ Laure at team captain Cherry Rondina para sa UST na nahulog sa kartadang 0-2.

Pumalo naman ng 18 puntos si sophomore spiker Diana Carlos na sinabayan ng magandang laro nina Marianne Buitre at Nicole Tiamzon na umiskor ng 14 at 10 puntos ayon sa pagkakasunod para pangunahan ang Lady Maroons.

Nagtala naman ng tig-walong puntos sina Shaya Adorador at Meanne Mendrez para sa UE na nalaglag sa 0-2.

Sa mga laro sa men’s division pinatikim ng UST (1-1) ang La Salle (0-2) ng isa pang pagkatalo sa isang umaatikabong laban, 25-19, 22-25, 25-22, 25-18, 15-12, habang nakuha naman ng UP (2-0) ang kanilang pangalawang sunod na panalo kontra UE (0-2), 25-15, 25-21, 23-25, 25-16. FML

Show comments