SUBIC BAY, Olongapo City , Philippines -- Dahil sa kanyang training sa Philippine Army sa nakaraang taon ay noong Enero 11 lamang siya nakapagsimula ng pagsasanay para sa Kinetix Lab-Army.
Sa kabila nito ay nakapasok pa rin si Cris Joven sa Top Five ng Stages One, Two at Three.
Kahapon ay ganap nang nakamit ng 30-anyos na Private First Class ang kanyang unang lap victory matapos pagharian ang 111-km Subic-Subic Stage Four ng 2017 LBC Ronda Pilipinas na sinimulan sa Lighthouse Marina Resort at nagtapos dito sa Harbour Square.
“Nakondisyon lang siguro. Nagpapasalamat ako kay God dahil sa lakas na ibinigay niya sa akin kahit na last January 11 pa lang ako nakabalik sa training sa team,” wika ni Joven.
Nagsumite ang tubong Iriga, Camarines Sur ng bilis na dalawang oras, 40 minuto at 6 segundo para unahan sa finish line ang siyam pang siklista na nag-lista din ng parehong oras.
“Noong nakawala ako sa grupo, inunahan ko na sila sa last one kilometer,” sabi ni Joven sa pag-ungos niya kina Stage Two at Stage Three winner Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance, Ryan Serapio ng Team Ilocos Sur, Elmer Navarrro at Joahus Mari Bonigacio ng Go for Gold, Jhunvie Pagnanawon ng Bike Extreme, Reynaldo Navarro ng Kinetix Lab-Army, James Paulo Ferfas ng Bike Extreme, Ronnilan Quita ng Kinetix Lab-Army at Rudy Roque ng Navy-Standard Insurance.
Patuloy pa rin ang paghawak ni Roque sa individual overall classification sa kanyang 11:12:15 kasunod sina Morales (11:13:45), Stage One winner Ronald Lomotos (11:14:33) ng Navy, Serapio (11:16:07), Jay Lampawog (11:16:12) ng Navy, Reynaldo Navarro (11:16:21) ng Kinetix Lab-Army, Bonifacio (11:16:28), Daniel Ven Carino (11:16:35) ng Navy, Joven (11:16:48) at Ismael Grospe (11:17:43) ng Go for Gold.
Isusuot pa rin nina Roque at Morales ang Red at Blue Jersey, ayon sa pagkakasunod sa 251-km. Lucena-Pili Stage Five sa Linggo.
“Siguro alagaan ko na lang itong lead ko sa Stage Five,” sambit ng 25-anyos na pambato ng Tibo, Bataan na si Roque sa cycling event na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.
Maliban sa Blue Jersey ay isusuot muli ni Morales ng Calumpang, Marikina ang Polka Dot Jersey dahil sa kanyang pagdomina sa overall King of the Mountain (KOM), habang si Lampawog ang magdadala sa Yellow Jersey sa kanyang pamumuno sa overall best young rider.