Racal Ceramica malinis sa 4-laro

MANILA, Philippines -  Nananatiling nasa tuktok ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup ang Racal Ceramica matapos kubrahin ang kanilang ikaapat na sunod na panalo kontra  sa Wangs Basketball sa iskor na 89-84 sa Ynares Arena sa Pasig kahapon.

Kumapit ang Tile Masters kay Arellano Chief Kent Salado na siyang gumawa ng walo sa kanilang huling 14 puntos sa nalalabing tatlong minuto ng fourth quarter upang malampasan ang Couriers.

Nagtala ng 14 puntos si Salado habang umiskor naman ng 18 puntos si Jackson Corpuz para pagandahin ang kanilang kartada sa 4-0 panalo-talo.

“I warned my players na they’re (Wangs) very smart players. Hirap na hirap kami (sa kanila),” pahayag ni Racal head coach Jerry Codiñera.

Nakapag-ambag naman si Perpetual Altas Gab Dagangon ng anim na puntos matapos ma-bigong makaiskor sa kanyang unang laro kalaban ang Team Batangas nang palitan nito ang kanyang kakampi sa Altas na si Fil-foreigner forward Daryl Singontiko sa line-up ng Racal.

Kumana naman ng 16-puntos si Rey Publico para sa patuloy na pababang Wangs matapos malasap ang kanilang pangatlong sunod na pagkatalo sa loob ng apat na laro.

Sa isa pang laban, tinalo ng CafeFrance ang Jose Rizal University sa iskor na 75-57.

Nagposte ng muntikang double-double si Congolese center Rodrigue Ebondo na tumapos ng may 21 puntos at siyam na rebounds upang pangunahan ang Bakers na makaakyat sa 3-1 para makisosyo sa second place kasama ang Tanduay.

Matapos paiskorin lamang ng siyam na puntos ang JRU sa third quarter ay umalagwa ang Bakers patungo sa 67-47 na bentahe sa natitirang 6:02 ng hu-ling canto at mula doon ay nahirapan nang makalapit ang Heavy Bombers.

Kumolekta naman ng 13 puntos si Jerard Bautista para sa JRU na sumadsad sa 2-2. - FML

 

Show comments