Reyes kinilalang Ms. Volleyball ng PSA
MANILA, Philippines - Tinulungan ni middle blocker Mika Reyes ang La Salle Lady Spikers na makamit ang UAAP women’s volleyball crown laban sa Ateneo Lady Eagles, naghangad ng ‘three-peat’ sa nakaraang UAAP season.
Ito ang ikatlong UAAP title para sa 22-anyos na si Reyes, naging bahagi ng Taft-based school na kumuha ng back-to-back titles noong 2012-13.
Sa limang taon niyang paglalaro para sa La Salle noong 2011 hanggang 2016 ay naihatid niya ang Lady Spikers sa limang UAAP Finals.
Matapos tulungan ang La Salle sa UAAP ay inihatid naman ng tubong Pulilan, Bulacan ang F2 Logistics para sa korona ng Philippine Super Liga All-Filipino Conference.
Hinirang din siyang brand ambassador ng PSL para sa 2016 season kasunod ang pagkakabilang sa Philippine club team na lumahok sa FIVB Volleyball Women’s Club World Championship bilang miyembro ng tinaguriang ‘Magnificent Seven.’
Sa Pebrero 13 ay muling makakakuha si Reyes, nagtapos sa La Salle na may degree sa AB Psychology, ng titulo.
Igagawad kay Reyes ang Ms. Volleyball award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Annual Awards Night na inihahandog ng Milo at San Miguel sa Le Pavillion sa Pasay City.
Si Reyes ang magiging pang-limang tatanggap ng nasabing award matapos sina superstar Alyssa Valdez (2013, 2014 at 2015) at Aby Maraño (2014) sa event na inihahandog din ng Cignal/Hyper TV katuwang ang Phoenix Petroleum, Gold Toe, ACCEL, SM Prime Holdings Inc., PBA, Globalport, Mighty Sports, Rain or Shine, Foton, ICTSI, Smart at MVP Sports Foundation.
Sina Valdez at Maraño ang nagsosyo sa Ms. Volleyball award apat na taon na ang nakakalipas.
Nauna nang kinilala ng pinakamatandang media organization, pinamumunuan ng presidente nitong si Riera Mallari ng The Standard, si June Mar Fajardo ng San Miguel bilang Mr. Basketball.
Nakatakda pang pangalanan ng PSA ang Mr. Football, Mr. Taekwondo at Mr. Golf.
Pangungunahan ni weighlifter Hidilyn Diaz ang lahat ng mga awardees na pararangalan sa traditional rite na suportado rin ng Philippine Sports Commission, Philippine Charity Sweepstakes Office, Meralco, NLEX at Federal Land bilang Athlete of the Year.
Tinapos ng 25-anyos na tubong Zamboanga City ang 20-year medal drought ng bansa sa Olympics matapos kunin ang silver medal sa women’s 53-kg event ng 2016 Rio De Janeiro Games.
Ibibigay naman kay Asia’s first Grand Master in Eugene Torre ang PSA Lifetime Achievement Award
- Latest