5-sunod na panalo ang San Antonio
TORONTO – Kahit na ipinagpahinga si star forward Kawhi Leonard ay hindi pa rin napigilan ang San Antonio Spurs na kunin ang kanilang pang-limang sunod na panalo.
Nagtala si center LaMarcus Aldridge ng 21 points at 7 rebounds para pangunahan ang Spurs sa 108-106 pagtakas laban sa Raptors.
Ipinalasap ng San Antonio (36-9) ang pang-apat na dikit na kamalasan ng Toronto (28-17).
Hindi pinaglaro ng Raptors si top scorer DeMar DeRozan.
Kinuha ng Spurs ang 13-point lead sa first half ngunit nakatabla ang Raptors sa huling dalawang minuto ng fourth quarter.
Ang basket ni Dejounte Murray ang nagbigay sa San Antonio ng two-point lead kasunod ang mintis na three-point shot ni Terrence Ross para sa Toronto sa huling 1:17 ng laro.
Nagsalpak si Aldridge ng isang free throw sa huling 11.3 segundo para sa three-point lead ng Spurs na sinundan ng dunk ni Norman Powell sa nala-labing 6.2 segundo na muling nagdikit sa Raptors sa 106-107.
Kumonekta si Aldridge ng isang free throw sa huling 5.1 segundo para sa San Antonio at hindi nakaiskor ang Toronto sa kanilang posesyon.
Umiskor si Patty Mills ng 18 points para sa Spurs kasunod ang 12 markers ni Dave Bertans at tig-11 points nina David Lee at Murray.
Binanderahan naman ni point guard Kyle Lowry ang Raptors sa kanyang 30 points at may 21 markers si Ross.
- Latest