Bike Extreme handa sa LBC Ronda

MANILA, Philippines -  Umaasa sina Jaybop at Jhunvie Pagnanawon at Julius Mark Bonzo na magiging kampeon din sila kagaya ng kanilang mga ama.

Magtutuwang ang magkapatid na Pagnanawon at si Bonzo para sa Bike Extreme squad na sasabak sa LBC Ronda Pilipinas 2017 edition na nakatakda sa Pebrero 4 hanggang Marso 4.

Hangad nina Jaybop at Jhunvie na matumbasan ang paghahari ng kanilang amang si Rolando sa Marlboro Tour dalawang dekada na ang nakakalipas.

Nagkampeon naman ang ama ni Bonzo na si Romeo (1983) at kanyang tiyuhing si Modesto (1976).

Kagaya ni Bonzo, ito rin ang pangarap ng magkapatid na Pagnanawon.

Sumegunda si Jaybop kay George Luis Oconer ng Go for Gold sa Visayas qualifying race noong Disyembre para makasama sa mga qualifiers.

Naglatag ang presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management ng P1 milyon para sa magkakampeon.

Maliban sa Bike Extreme ng magkapatid na Pagnanawon at Bonzo, ang iba pang kalahok sa karera ay ang Team Navy, Go for Gold, Neopolitan, Ilocos Sur, Iloilo, Mindanao, South Luzon, Kinetix Lab-Ar-my, Zambales, Salic at One Tarlac.

Show comments