Azkals No. 3 seed sa AFC Asian Cup

MANILA, Philippines - Itinaas ang Pilipinas bilang No. 3 seed bago ang draw para sa Asian Football Confederation (AFC) Asian Cup Qualifiers final round sa Enero 23 sa Abu Dhabi.

Tumatayong No. 122 sa pinakabagong FIFA world rankings, nakuha ng Philippine Azkals ang na-sabing seeding sa hanay ng 24 kumpirmadong bansang lalahok sa torneo.

Dahil sa pagiging No. 3 ay awtomatiko nang papasok ang Azkals sa Pot 1 na magliligtas sa kanila sa mga higher-ranked teams para sa agawan sa 12 slots sa 2019 Asian meet.

Nasa itaas ng mga Pinoy booters ang No. 1 Jordan at No. 2 Oman kasunod ang Bahrain, Kyrgyzstan at North Korea na hindi nila makakaharap sa home-and-away double round robin qualifiers na magtatampok sa anim na grupo na may tig-apat na koponan.

Kailangang magtapos ang Azkals sa Top 2 ng kanilang grupo para sa makasaysayang paglalaro sa pinakaprestihiyosong football competition sa Asya.

Ang iba pang partisipante ay ang India, Palestine, Tajikistan, Vietnam, Hong Kong, Turkmenistan, Maldives, Lebanon, Yemen, Afghanistan, Chinese Taipei, Myanmar, Malaysia, Singapore, Cambodia, Nepal, Bhutan at Macau.

Hangad ng Azkals na makasama ang mga qualifiers na Australia, China, Iraq, Iran, Japan, Korea, Qatar, Saudi Arabia, Syria, Thailand, Uzbekistan at host United Arab Emirates para sa 2019 Asian event.

Nanatili sa kontensyon ang Azkals para sa Asian Cup berth matapos pumangatlo sa Group H ng second round ng joint FIFA World Cup-Asian Cup qualifiers noong nakaraang taon.

Samantala, hinirang ang koponan bilang top-ranked team sa hanay ng mga Asean countries.

Pumuwesto ang Pilipinas sa No. 122 sa FIFA world rankings at inungusan ang AFF Suzuki Cup champion Thailand (126), Vietnam (136), Myanmar (159), Malaysia (161) at Singapore (165). (OLeyba)

Show comments