MANILA, Philippines – Tatlong Pinoy ang nakasama sa mga gagawaran ng parangal ni Asian Boxing Confederation president Serik Konakbayev ng Kazakhstan sa Asia’s Best in Boxing Awards para sa 2016.
Ang ABAP 2014 discovery na si Criztian Pitt Laurente, isang 16-anyos na tubong General Santos City, ang kinilalang Best Junior Boxer in Asia para sa 2016 dahil sa kanyang gold medal win sa Children of Asia Tournament sa Yakutsk, Russia noong Hulyo.
Tanging si Laurente ang nakasuntok ng gintong medalya para sa bansa kung saan sumabak ang mga Filipino athletes sa siyam na sports.
Hinirang naman si long-time ABAP head coach Patricio Gaspi bilang Best Asian Coach.
Si Gaspi, isang da-ting national boxer ay ang chairman ng ASBC Coaches Commission at isang certified AIBA 3-Star Coach ang pinakamataas na lebel) at certified AIBA Coaching Instructor. Siya ay miyembro ng AIBA Coaches Commission.
Samantala, ang 2016 Best Supervisor in Asia ay ibinigay kay Maria Karina Picson, nakapasa sa ITO (International Technical Official) Course and Examinations sa Antalya, Turkey noong 2011 at sa AIBA Supervisor’s Course and Examinations noong 2015 sa Almaty Kazakhstan.
Siya ay parehong miyembro ng AIBA at ASBC Women’s Commissions.
Nagpaabot si ABAP president Ricky Vargas ng isang congratulatory message sa nasabing tatlong Pinoy awardees at tinawag silang “Asia’s Best, Philippines’ Pride”.
May kabuuang 14 awardees kasama sina Danita Yeleussinov ng Kazakhstan bilang Best Male Elite Boxer, Yu Jin Hua (Best Woman Elite Boxer) ng China, Hayato Tsushima ng Japan (Best Youth Boxer), Asian Discovery of the Year Shakhram Giyasov ng Uzbekistan, Kuok Veng Vong ng Macau bilang Best Asian ITO at ang Kazakhstan bilang Best Asian National Federation para sa 2016.