MANILA, Philippines - Bukas si Top Rank Inc. chief Bob Arum para sa posibleng rematch sa pagitan nina Nonito Donaire Jr. at WBO super bantamweight champion Jessie Magdaleno.
Ngunit ayon kay Arum, hindi pa niya nakakausap sina Donaire at Magdaleno para sa muli nilang paghaharap.
“The truth is, I haven’t talked to either of them, but people did question the result of that fight, and a rematch could very well be appealing,” wika ng veteran promoter sa boxingscene.com report ni Rick Reeno.
Inagaw ni Magdaleno kay Donaire ang suot nitong WBO super bantamweight title sa Las Vegas noong Nov. 6 sa mga iskor na 116-112, 116-112 at 118-110.
Subalit mariin itong kinuwestiyon ni Donaire sa paniniwalang siya ang tunay na nanalo sa kanilang upakan ni Magdaleno sa undercard ng bakbakan nina Manny Pacquiao at Jessie Vargas.
Matapos ang laban ay hinamon ng Fil-Am si Magdaleno para sa isang rematch.
Handa naman si Arum na plantsahin ang Donaire-Magdaleno II.
“It (rematch) certainly would be appealing to me, but I can’t say that I’ve talked to either of them yet,” sabi ni Arum. (DM)