La Salle kinuha ang tiket sa Finals

Tinangkang umiskor ni Dawn Ochea ng Adamson sa tatlong La Salle defen-ders na sina Ben Mbala (#23), Thomas Torres (#18) at Jeron Teng (#21).
PM photo ni Joey Mendoza

Sinibak ang Adamson sa Final 4

MANILA, Philippines – Umusad sa Finals ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament ang De La Salle University matapos talunin ang Adamson University, 69-64, sa Final Four kagabi sa MOA Arena.

Itinala ni graduating team captain Jeron Teng ang 11 sa kanyang 25 puntos sa fourth quarter para pamunuan ang Green Archers na muling makaabante sa UAAP Finals matapos ang apat na taon.

“I just really wanted this game badly, ayaw na rin naming patagalin,” pahayag ni Teng. “I thought na everything was going my way that’s why I kept asking for the ball (in the fourth quarter).”

Bagama’t nanalo ay hindi naman natuwa sa laro ng kanyang koponan si La Salle head coach Aldin Ayo.

“They (Adamson) played excellent defense and took care of the small details,” pahayag ni Ayo. “I told them (my players) to play our game and take care of the basketball and keep on executing. Even in the third quarter we weren’t playing our game that’s why I was hesistant to congratulate them.”

Nagpalitan ng kalamangan ang magkabilang koponan sa kabuuan ng laban hanggang maidikit ng Falcons ang laro sa iskor na 65-64 may 2:58 ang nalalabi.

Nakapuwersa pa ng dalawang turnovers ang Falcons sa huling 56.9 segundo ng laban subalit nabigo silang makaiskor para maitabla ang laban sa Green Archers.

Isa sa mga hindi ikinatuwa ni Ayo ang 26-3 assist-to-turnover ratio ng Green Archers kaya’t nahirapan sila sa execution ng kanilang opensa.

Tumapos naman na may 21 puntos, 16 rebounds at 4 blocks si Cameroonian center Ben Mbala na kanyang ika-15 double-double ngayong taon para sa Taft-based cagers.

Pinangunahan naman nina Sean Manganti, Robbie Manalang at Papi Sarr ang Adamson na nagsanib-puwersa para sa pinagsamang 36 puntos.

Makakalaban ng La Salle ang mananalo sa laro ng Ateneo at Far Eastern University sa Sabado na gaganapin rin sa MOA Arena.

LA SALLE 69 - Teng 25, Mbala 21, Melecio 6, Torres 6, Tratter 4, Montalbo 3, R. Rivero 2, P. Rivero 2, Paraiso 0, Perkins 0, Caracut 0.

Adamson 64 - Manganti 13, Manalang 12, Sarr 11, Ahanmisi 9, Espeleta 9, Ochea 5, Tungcab 3, Bernardo 2, Barrera 0, Camacho 0, Chua 0. Mustre 0, Ng 0, Paranada 0.

Quarterscores: 22-20; 37-33; 50-51; 69-64. FMLumba

Show comments