UAAP Final 4 na Archers laban sa Falcons

MANILA, Philippines – Magsisimula ngayong hapon ang Final Four ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament  na bubungaran ng laban ng La Salle at Adamson sa MOA Arena.

Mag-uumpisa ang unang match-up ng semifinals ngayong season sa alas-4:00 ng hapon.

Pamumunuan ng da-lawa sa apat na bagong head coach ngayong taon ang dalawang koponan na unang maghaharap sa Final Four na sina 5-time UAAP champion coach Franz Pumaren para sa Adamson at si NCAA Season 91 champion coach Aldin Ayo para sa La Salle.

Makakalaban ni Pumaren ang kanyang dating koponan kung saan siya naglaro sa kanyang collegiate career bago umakyat sa PBA kung saan niya rin nakuha ang kanyang limang titulo bilang head coach.

Sa ilalim ng sistema ni Pumaren, ginulat ng Adamson ang marami nang magtapos sa pang-apat na pwesto sa eliminations at muling makaabante sa Final Four pagkatapos ng limang taon.

Hangarin ng Falcons na ipagpatuloy ang natatamong tagumpay ngayong season, sa pamamagitan ng pagbura sa twice-to-beat na bentahe ng La Salle sa pangu-nguna ng kanilang mga prized rookies na sina Jerrick Ahanmisi, Robbie Manalang, Sean Manganti at Jonathan Espeleta.

Isa rin sa sasandalan ng Falcons ang kanilang Cameroonian center na si Papi Sarr na may double-double average na 14.9 puntos at 14.4 rebounds kada laro sa kanyang pangalawang taon sa liga para silatin ang La Salle, na hindi pa nila natatalo sa dalawang laban ngayong taon.

Nagbunga naman ng 13-1 na rekord pagkatapos ng eliminations ang nadalang karanasan sa kampeonato ng NCAA ni dating Letran coach Aldin Ayo sa La Salle para makuha ang unang puwesto sa standings.

Nagpakitang-gilas sa ilalim ng kanyang sistema si Cameroonian center Ben Mbala, na siyang nangu-ngunang kandidato para sa Most Valuable Player award dahil sa itinala niyang 14 na double-double performance sa kabuuan ng eliminations.

Pinangunahan ni Mbala ang lahat ng kategorya sa statistics maliban sa assists ngayong taon para pamunuan ang opensa at depensa ng Green Archers. FML

Show comments